Solar energy project itatayo sa Isabela

Solar energy project itatayo sa Isabela

December 19, 2022 @ 11:57 AM 1 month ago


ILAGAN, Isabela- Nakatakdang itayo ang 440-megawatt ng isang pribadong solar energy provider ang bubuo ng solar photovoltaic project na nagkakahalaga ng P18 bilyon sa lungsod na ito.

Ito’y matapos lagdaan ang solar energy operating contract ng Department of Energy (DoE) at San Ignacio Energy Resources Development Corp., isang subsidiary ng Nextnorth Energy group, para kasunduan ng 440 MWp/336 MWac solar PV project.

Nauna nang nagkasundo ang French-owned Total Eren S.A. at ang Filipino-owned San Ignacio Energy firm na mamuhunan sa venture.

Ang Total Eren ay isang renewable independent power producer (IPP) na may higit sa 3.7 GW wind at solar PV projects na itinatayo o ginagamit sa buong mundo.

Ang Total Eren ay namuhunan na sa isang 60 MWp operating solar PV project sa lalawigan ng Tarlac.

Binibilang ng Total Eren ang French multi-energy company na Total Energies bilang isa sa mga strategic shareholder nito nagdadala ng malawak na karanasan sa pagbuo, pagpopondo, pagtatayo at pagpapatakbo ng mga renewable energy power plant sa buong mundo.

Ang naturang proyekto ay sinasabing pinakamalaki sa bansa at itatayo sa humigit-kumulang 400 ektarya ng magagamit na lupa sa kahabaan ng Northern Luzon high voltage transmission network ng National Grid Corp. of the Philippines.

Nakatakdang simulan ang konstruksiyon sa 2024 na aabot sa 4,500 manggagawa ang makikinabang at inaasahan matatapos sa 2025.

Inaasahang lilikha ng kuryente na humigit-kumulang 700 GWh kada taon at aabot sa 1 milyong kabahayan sa Pilipinas ang mabibigyan ng malinis at nababagong enerhiya./Mary Anne Sapico