Solid waste management, isinulong ng Navotas

Solid waste management, isinulong ng Navotas

August 6, 2018 @ 6:57 PM 4 years ago


Navotas City – Isinulong ng Navotas ang misyon nitong magkaroon ng maaasahan at pangmatagalang ecological solid waste management program sa pamamagitan ng pagpirma sa memorandum of agreement (MOA) kasama ang Mother Earth Foundation.

Kasama sa mga pumirma sa project agreement, na pinamagatang Navotas City Ecological Solid Waste Management Program (ESWMP)–Phase 1, sina Mayor John Rey Tiangco at Sonia Mendoza, chairperson ng Mother Earth Foundation.

Sumaksi naman sa seremonya sina Vice Mayor Clint Geronimo, ang city council, mga kapitan ng mga barangay, at city department heads.

Sa ilalim ng MOA, magbibigay ang Mother Earth Foundation sa 18 mga barangay sa Navotas ng integrated information, education and communication (IEC) campaign tungkol sa eco-waste management.  Nakapokus ang IEC sa wastong paghihiwalay ng basura at magbabahay-bahay sila para maipaalam ito sa mga Navoteño.

Ang foundation din ang gagawa ng baseline data gathering tulad ng mga ocular visit, solid waste management perception and practices, at green profiling at inventory sa mga barangay.

Dagdag pa rito, magtutulungan ang lungsod at ang Mother Earth Foundation para makagawa at makapagpatupad ng ESWMP sa pamamagitan ng pagrebisa at paglikha ng mga lokal na batas at polisiya, pagkaroon ng mga inisyatibong sustenable at praktikal, at pagtatayo ng Materials Recovery Facility (MRF) sa lahat ng barangay.

Sa kanyang talumpati, hinikayat ni Tiangco ang mga Navoteño na maging disiplinado sa pagtapon ng basura at maging responsable sa pagpapanatili ng kalinisan sa lungsod.

“Mali ang kaisipan na okay lang na malinis ang loob ng ating pamamahay pero wala na tayong pakialam kung marumi sa ating paligid dahil sa mga basurang itinatapon kung saan-saan,” aniya.

“Atin ang Navotas. Karugtong ng ating mga tahanan ang ating mga daan, ang ating mga dagat. Dapat angkinin natin ang responsibilidad at pananagutan sa pagsigurong malinis ang ating lungsod at mararanasan ng susunod na mga henerasyon ng mga Navoteño ang isang malusog at balanseng kapaligiran,” dagdag pa niya.

Noong nakaraang Linggo, nagsimula na sa kanilang 15-araw na trabaho ang 212 na manggagawa ng TUPAD na tutulong para sa pagmimintina ng kaayusan sa mga barangay tulad ng paglilinis ng mga kanal at coastal cleanup. (Roger Panizal)

REMATE FILE PHOTO | JOJO RABULAN