SOLOMON ISLANDS AT ANG PILIPINAS

SOLOMON ISLANDS AT ANG PILIPINAS

October 6, 2022 @ 3:02 PM 2 months ago


LUMILITAW na may pagkakahawig ang Pilipinas at ang Solomon Islands sa pakikitungo sa ibang mga bansa, partikular sa hanay ng mga nag-iiringan.

Ang United States at ang China ang nag-iiringan sa Asya at gumagawa ng paraan ang dalawang ito na kabigin ang mga bansa pabor sa kani-kanilang mga pansariling interes at kontra naman sa isa’t isa.

WALANG KINIKILINGAN

Matatagpuan ang Solomon Islands sa South Pacific Ocean at madaraanan ng mga Pinoy ang Indonesia at Papa New Guinea bago makapasok dito.

Ang Australia naman ay nasa likod ng Indonesia at Papua New Guinea at nasa kanang bahagi ng Australia ang Solomon Islands kapag nakaharap ka sa Pinas.

Ngayong nag-iiringan ang Australia at China, sinasabing kayang makialam ang China sa Australia, kahit pa sa digmaan, dahil sa lapit ng Solomon Islands na kaibigan ng China.

Kasama naman ng Australia ang US at Japan sa pagharang sa China na nagpapalawak ng impluwensya nito sa South East Asia hanggang sa Solomon Islands.

Alam naman natin na nag-iiringan ang China at ang magkakasamang US, Japan at Australia hindi lang sa usaping militar kundi sa negosyo rin.

Sa pagpapalabas ng US ng mga kasunduan sa mga bansang malalapit sa Australia na ginawa sa Washington, kasama na ang Solomon Islands, lumalabas na gustong kabigin ng US ang huli bilang suporter laban sa Tsina.

Pero, naninindigan ngayon ang Solomon Islands sa pagsasabing wala itong pipiliing panig kundi ituring ang China at ang tatlong bansa na mga kaibigan at kapantay na bansa.

Binalewala rin ng Solomon Islands ang bintang ng US na nagtatayo na ng kampo militar ang China at banta umano ito sa seguridad ng Australia.

Nauna rito, todo reklamo ang Solomon Islands na sa tinagal-tagal ng pakikipagkaibigan nito sa US at Australia, wala silang mahalagang ginawa para umunlad  ito.

At ang China ngayon ang tumutulong sa nasabing bansa para umunlad sa pamamagitan mga proyektong imprastraktura at iba pa.

ANG PILIPINAS

Sa panunumpa ni Pangulong Bongbong Marcos hanggang sa ngayon, nanatili ang paninindigan nito na walang kalaban kundi kaibigan ng Pinas ang lahat ng bansa.

Ito’y sa harap ng paglalakad ng US na talian sa ilong ang Pilipinas upang sumunod sa lahat ng gusto nito laban sa China.

Tanggapin man kasi o hindi ng iba, kapitbahay natin ang China at malaki ang magiging kontribusyon nito sa pag-unlad ng bansa at sa katunayan, napakarami nang mga proyekto ang huli sa Pilipinas na atin nang napakikinabangan.

Isa sa hindi natin malilimutan ang mabilis na pagpapadala ng China (matagal pa bago nagpadala ang US) ng bakuna laban sa COVID-19 na nakatulong sa atin upang maiwasan ang maramihang kamatayan at pagkakasakit sa pandemya.

Gaya ng hinanakit ng Solomon Islands sa US, katanungan din natin nang malaki kung sa mahigit 100 taong hawak tayo sa ilong ng mga Kano ay nakamit natin ang dapat nating kamtin bilang may pag-unlad na bansa.

Kaya naman ngayong nag-iiringan ang US at China, magandang panghawakan ng Pinas ang paninindigang “friends to all and enemy to none.”