Solon: Chacha ‘di pakikinabangan nina PBBM, VP Sara

Solon: Chacha ‘di pakikinabangan nina PBBM, VP Sara

July 4, 2022 @ 1:45 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tiniyak ni Pampanga Rep Dong Gonzales na ang isinusulong nitong term extension ay hindi pakikinabangan nina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Gonzales noon pang 17th at 18th Congress nya inihain ang pagbabago ng Saligang Batas para sa term extension ng mga matataas na opisyal ng bansa subalit hindi lamang naaprubahan, sakali man na lumusot ito sa 19th Congress ay simulang ipatutupad ito sa taong 2025.

Sa ilalim ng Konstitusyon ay hindi maaari ang reelection subalit sa resolusyon ni Gonzales ay gagawing 5 taon ang termino ng Pangulo at Pangalawang pangulo at maaari ang 1 reelection bid.

“Kung maaaprove po ng 19th Congress, magstart po ito 2025, Hindi na po sila pwede tumakbo sa bagong batas na ito,” giit ni Gonzales kung saan ipinaliwanag nito na hindi sapat ang 6 na taon para isulong ang long term program at polisiya ng isang administrasyon.

itinaggi din ng solon na ang kanyang panukala ay para sa pansariling interes dahil nasa huling termino na ito at walang reelection.

“Swerte po yung mga 2nd term, meron pa silang natitirang term. Kung ma-a-approve po ito meron kang additional term with this new law,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng panukala ay gagawing 5 taon ang termino ng mga local officials kabilang ang congressmen subalit hindi kasama ang mga barangay leaders at lilimitaan sa dalawang magkasunud na terms mula sa original na 3 taon termino at 3 consecutive terms.

Hindi naman babaguhin ang sa senador na 6 na taon at 2 maximum terms.

Aminado si Gonzales na ang pagbabago sa Konstitusyon ay nakasalalay sa publiko kaya hindi nito masabi ang kahihinatnan ng kanyang panukala.

“Marami pa pong debate yan, we will discuss it as a body, at the Senate. Magkakaroon ng plebisito. At the end of the day, the Filipinos will decide,” pagtatapos pa ni Gonzales. Gail Mendoza