Solon dismayado sa malaking tapyas ng pondong laan sa Mindanao

Solon dismayado sa malaking tapyas ng pondong laan sa Mindanao

September 14, 2022 @ 9:00 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ikinadismaya ni Basilan Representative Mujiv Hataman ang malaking taypas sa pondong laan para sana sa infrastructure projects sa Mindanao sa ilalim ng 2023 proposed budget.

Ayon kay Hataman, nais nilang pagpaliwanagin ang mga opisyal ng Department of Budget and Management at National Economic and Development Authority tungkol sa malaking tapyas sa pondo para sa nabanggit na rehiyon.

“Gusto sana namin malaman kung anong mga lugar, imprastruktura o anong mga programa ang nabawasan. Baka mamaya napakahalaga nito at contributory sa pag-sustain ng kapayapaan sa Mindanao. Dahil ngayong may kapayapaang tinatamasa, kailangang humabol ng Mindanao in terms of progress and development,” pahayag ni Hataman nitong Martes, Setyembre 13.

“Siyempre, mahalaga dito ang imprastruktura: mga kongkretong daan para sa komersyo, farm-to-market roads para sa mga bukid, mga gusali at paaralan para sa serbisyo sa mamamayan, at marami pang iba,” dagdag pa niya.

Sa National Expenditure Program na isinumite sa Kongreso, napag-alaman na nasa P30.49 bilyon lamang ang pondo para sa infrastructure outlay sa 2023 na sobrang liit kumpara noong mga nakaraang taon.

“Nitong mga nakaraang taon, malaki ang pondong inilaan para sa imprastruktura sa Mindanao. Kaya nalungkot kami nang nakita namin ang Mindanao budget sa bagong panukala, ang laki-laki nang nabawas,” aniya.

Kung hindi umano kayang ibalik ang kahalintulad ng dating pondo ay huwag na lamang sanang tapyasan ng napakalaki ang pondong laan para sa Mindanao. RNT/JGC