Solon natuwa sa pagpili ng DOH sa Bicol hospital bilang ‘special center’

Solon natuwa sa pagpili ng DOH sa Bicol hospital bilang ‘special center’

August 16, 2022 @ 11:10 AM 2 months ago


LEGAZPI CITY – Ikinagalak ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda ang pahayag ng Department of Health (DOH) hinggil sa pagpili nito sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) na gawing isa sa pitong mga ‘specialized (medical) centers’ na dapat mabuksan sa 2025 sa labas ng Metro Manila.

Ipinahayag ni DOH Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire nitong nakaraang linggo ang plano ng kanilang ahensiya na magtatag ng mga “specialized centers” sa mga pitong ospital ng pamahalaan sa labas ng Metro Manila sa susunod na tatlong taon, na tutugon sa mga sakit na ‘neonatal’ at gayon din sa sakit sa puso, baga, atay at kanser.

Matatandaan na isinulong ni Salceda, na siyang chairman ng House Ways and Means Committee, ang modernisasyon at pagpapalawak sa BRTTH. Ayon sa kongresista, tunay na napakaganda ang pahayag ng DOH dahil napakalaki na ang pinuhunang pagsisikap ng kanyang tanggapan sa paghanap ng pondo para magkaroon ng makabagong mga kagamitang medikal at pasilidad, at mapataas ang antas ng serbisyo nito.

“Patuloy naming ipaglalaban ang modernisasyon at pagpapataas sa kalidad ng serbisyo ng BRTTH na kahit kulang at limitado ang yaman nito sa nakaraan ay sadyang patuloy namang nagsikap para matugunan ang mga pangangailangang pangkalusugan ng mga Bikolano, at matupad ang mandato ng DOH na maging ‘Heart, Lung, Kidney at (nitong huli) Cancer Center’ sa rehiyong Bikol,” madiing paliwanag ng mambabatas.

Ang Heart, Lung, Kidney and Cancer center ng BRTTH, ayon kay Salceda, ay nagbibigay ng kumprehensibong serbisyong medikal upang matugunang ang naturang mga sakit sa Kabikulan. Sa ilalim ng RA 11719 na akda niya at nilagdaang maging batas ni dating Pangulong Duterte, ginawang ‘General at Sub-specialty Hospital’ ang BRTTH na ngayon ay kinikilala na bilang “PGH of the South” o Philippine General Hospital sa Timog (Luzon).

Itinuturing ni Salceda ang pagkakatalaga sa BRTTH bilang ‘General and Sub-specialty Hospital’ bilang isa sa mga tampok at pinakamahahalagang nagawa niya bilang opisyal ng gobyerno, dahil ang kahalagahan nito ay hindi lamang nakatuon sa ika-2 distrito ng Albay na kinakatawan niya sa Kamara, kundi sa buong Bikolandia.

Nasa Legazpi City ang BRTTH ngunit napaglilingkuran na nito ang lalong dumadaming mga pasyente mula sa Albay, Sorsogon, Camarines Sur, Camarines Norte, at mga islang lalawigan ng Masbate at Catanduanes. Masigasig at patuloy na nagsikap si Salceda upang mapalawak at maging makabago ang mga kagamitan at serbisyo ng BRTTH na ngayon ay malaki na ang ipinagbago.

Kasama sa kasalukuyang ginagawang mga pasilidad nito ang ‘PhilHealth Ward, P580-million equipment modernization, P400-million Trauma ER, P150-million Bicol Cancer Institute, P80-million MRI facility (now on dry run), P1.7-billion P600-bed capacity building, P78-million full rehabilitation’ mula sa pananalasa ni Typhoon Reming noong 2006, at ang itinalagang ‘Bicol Regional Heart Center’ nito.

Ayon kay Vergeire, sinimulan ng DOH nitong nakaraang taon ang “P15-billion Philippine Health Facility Development Program” nito na nalalayong lalong palakasin ang sistemang pangkalusugan ng mga mga institusyon sa labas ng Metro Manila na saklaw nito , upang matiyak na madali itong painabangan ng mga mga nakatira sa mga pamayanan sa mga rehiyon.

Iilan lamang ang mga ‘specialty centers’ ng pamahalaan, kasama ang Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center. Lung Center of the Philippines, at National Kidney and Transplant Institute, na lahat ay nasa Quezon City. RNT