Solon: Pagsama sa gastusin ng mga indibidwal na may mental illness sa PhilHealth coverage, busisiin

Solon: Pagsama sa gastusin ng mga indibidwal na may mental illness sa PhilHealth coverage, busisiin

September 12, 2022 @ 12:10 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Hiniling ni Muntinlupa Rep. Jaime Fresnedi sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Department of Health (DOH) ang pag-aaral sa posibilidad na pagsama sa PhilHealth insurance coverage ng gastusin ng mga may sakit sa pag-iisip.

Sa kanyang pribilehiyong pagsasalaysay sa okasyon ng World Suicide Prevention Day na ginanap nitong Setyembre 10 ay kanyang inihayag ang kanyang pagnanais na mapasama ang mga may sakit sa pag-iisip na mai-cover sa PhilHealth.

Ang kahilingan ni Fresnedi na mapasama sa insurance coverage ang mga may sakit sa pag-iisip ay bunsod sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan ang suicide rate o ang intensyon ng pagpatay sa sarili sa bansa ay tumaas ng 57.3 porsiyento nito lamang 2020 sa gitna na pandemya na dulot ng COVID-19 kumpara noong 2019.

Ayon kay Fresnedi, simula nang kanilang buksan ang Mental Health and Wellness Program sa lungsod ay nadagdagan ang mga nagpakonsulta na ang karamihan sa rason ng mga ito ay dahil sa pagkabalisa (anxiety) o depresyon.

“Kung accessible ang mental health and wellness program, mas marami ang matutulungan at posibleng maiiwasan ang mga kaso ng intentional self-harm,” ani Fresnedi.

Sa kanyang nilagdaang liham kina PhilHealth officer-in-charge Eli Dino Santos at DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ay sinabi ni Fresnedi na bagama’t alam niya na ang gastusing pang-medikal ng mga may sakit sa pag-iisip ay hindi kasama sa coverage ng PhilHealth ay hinihiling niya ang pag-aaral na maisama na rin sa coverage ang mga ito.

“In this regard, may I request that a study be conducted by the PhilHealth on this matter as I am confident that we are in agreement that the mental health of our people is as equally important as their physical well-being,” ani Fresnedi.

Napag-alaman din sa International Association for Suicide Prevention (IASP) na noong Setyembre 10, 2003 ay itinatag ang World Suicide Prevention Day sa pakikipag-ugnayan sa World Health Organization (WHO) na may nag-iisang napakahalagang adbokasiya at komunikasyon base sa mga kaganapan na ang layunin ay maipaabot sa mga organisayong pang-nasyonal, gobyerno at pang publiko na nagpapaabot ng mensahe na ang pagpapakamatay ay maiiwasan. James I. Catapusan