Solon: PPP unahin kaysa Maharlika Fund

Solon: PPP unahin kaysa Maharlika Fund

January 2, 2023 @ 12:49 PM 1 month ago


Manila, Philippines – Umaasa si House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera na hindi kakaligtaan ng gobyerno ang benepisyong dulot ng public-private partnership (PPP) sa pagtatatag ng Maharlika Investment Fund (MIF).

“Let us not forget PPP and the indispensable role of the private sector as the main engine for national growth and development.”

Banggit ng mambabatas na ang pagtatag ng MIF na pangunahing isinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay mapakikibanagan din upang matustusan ang mga big-ticket infrastructure projects, mga pagbabago sa kanayunan at sa mga pwedeng pagkakitaan gaya ng pag-extract sa natural resources.

Inudyukan ng mambabatas ang administrasyon na tuparin ang pangako ni Pangulong Marcos sa kaniyang nagdaang SONA na palakasin ang PPP na katulad ng MIF bill ay pinagtibay na rin ng Malaking Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa.

Umaasa si Herrera na higit na gagawing prayoridad ng gobyerno ang PPP kumpara sa sovereign welfare fund (SWF) dahil ang layunin nito ay higit na maisasakatuparan kung mapapatatag ang PPP dahil ang malalaking proyekto ay napangangasiwaan ng pribadong sektor.

“Sana this (SWF) will not in any way na hindi natin palakasin ang PPP natin because PPP is really an important vehicle para magtuloy-tuloy ang Build, Build, Build ng ating bansa,” dagdag pa ni Herrer kung saan binanggit din niya ang isyung ito sa kasagsagan ng interpelasyon para sa House Bill 6608 na nagsusulong sa pagtatatag ng Maharlika Investment Fund (MIF).

Kabilang sa mga naunang probisyong nakapaloob sa MIF bill ang makapaglagay ng paunang pondo na P275 bilyon na maaaring manggaling sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS), gayundin sa Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines (DBP).

Subalit dahil sa mga pagtutol ay tinanggal sa listahan ang GSIS at SSS na pagkukunan ng pondo sa halip ay inilagay ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ang paunang pondo ay ibinaba sa P110 bilyon.

Magkagayunman, duda pa rin si Herrera sa BSP dahil posibleng negatibong maapektuhan nito ang daloy ng pinansyal ng ng pangunahing bangko ng Pilipinas.

“It seems that we are putting a constraint on the BSP’s monetary policy especially if after the P200 billion cap we will put all dividends to the Maharlika fund. If the economy is growing, BSP’s balance sheet should be growing as well and not tied to P200 billion,” giit pa ni Herrera.

Hindi rin pinaboran ng kongresista ang paggamit sa Landbank at DBP funds para sa MIF dahil labag ito sa mandato ng dalawang government financial institutions.

“Don’t you think our focus should be is to bring Landbank and DBP back to their Charters at i-fulfill nila ang kanilang obligasyon sa farmers at improvement of rural areas rather than put their funds into the SWF?”

Wala rin aniyang katiyakan kung ang SWF ay higit na kikita kaysa Landbank at DBP.

“What is our assurance to the depositors of Landbank and DBP that investing in SWF will generate more yields than the present investment portfolio of these banks?” ayon pa kay Herrera. Meliza Maluntag