Solon pumalag sa PNP, CIDG; Ivermectin ‘di iligal na droga

Solon pumalag sa PNP, CIDG; Ivermectin ‘di iligal na droga

April 8, 2021 @ 7:45 PM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Kinalampag ng solon ang Philippine National Police na maghinay-hinay sa pagpapatupad ng memorandum na nag-uutos na hulihin ang mga taong sangkot sa iligal na bentahan ng Ivermectin.

Binigyang diin ni House Deputy Speaker Bernadette Herrera na kailangang pag-aralag mabuti ng Philippine National Police (PNP) maging ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagpapatupad sa memorandum sa pagsasabing ang Ivermectin ay hindi iligal na droga.

“Ivermectin is not an illegal drug. You cannot ban its use. It is our right to take care of ourselves as we fit it,” ayon kay Herrera.

Ang Ivermectin ay isang anti-parasitic drug na orihinal na para sa hayop lamang ngunit sito ay sinusuri na rin kung makatutulong sa paggamot ng nakamamatay na COVID-19.

Ang kongresista ay isa sa mga opisyal ng gobyerno na nagsusulong sa paggamit ng Ivermectin para labanan at upang hindi mahawahan ng  COVID-19 kalakip ang mga patotoo ng mga isinagawang clinical trials sa ibang bansa na nagpapatunay na ang anti-parasitic drug na ito ay nakamamatay ng coronavirus sa loob lamang ng 48 oras.

Ang babala ni Herrera ay kasunod ng inilabas na memorandum ng CIDG Headquarters na nag-aatas sa mga kapulisan sa buoang bansa na magsagawa ng operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Food and Drug Administration (FDA) laban sa mga nagbebenta at gumagamit ng Ivermectin.

Ang nasabing memorandum ay nilagdaan ni CIDG Deputy Director for Operation Police Colonel Cosme Abrenica kung saan binabanggit dito ang direktiba mula kay Pangulong  Rodrigo Duterte sa isang pribadong pagpupulong diumano noong March 24 sa Malacañang na “arrest persons involved in the illegal sale and use of Ivermectin, and confiscate the same.”

Paglilinaw ni Herrera na duda siyang galing kay Pangulong Duterte ang kautusan dahil ang Ivermectin  ay hindi naman ipinagbabawal na gamot.

“How can Ivermectin be illegal when compounding laboratories are actually allowed to produce and sell it,” binigyang diin pa ni Herrera.

Kasabay nito ay hinimok din ng mambabatas ang Department of Health at ang Food and Drugs Administration na linawin ang mga pahayag ukol sa Ivermectin dahil ito umano ay nagdudulot ng kalituhan sa publiko.

“Pakilinaw po kase ang statements ninyo kaya nalilito ang mga tao. Maging ang mga pulis nalito na,” ayon pa rin kay Herrera.

Banggit pa ng kongresista na nakipag-usap na rin siya kay PNP Chief Gen. Debold Sinas at CIDG Chief Police Brigadier General Albert Ferro na nangakong babawiin ang memorandum at sa halip ay mag-iisyu umano ng mas angkop na direktiba para sa CIDG units. (Meliza Maluntag)


  •  
  •  
  •