Solon sa DOJ, Ombudsman: ‘Pro-import’ policy ng DA, talupan

Solon sa DOJ, Ombudsman: ‘Pro-import’ policy ng DA, talupan

February 19, 2022 @ 8:56 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Inatasan ni House Deputy Speaker at Bayan Partylist Rep Carlos Isagani Zarate ang Office of the Ombudsman at Department of Justice (DOJ) na silipin ang importation policy ng Department of Agriculture’s (DA) na malinaw na isa nang economic sabotage.

Tinukoy ni Zarate ang naging kautusan ng Sugar Regulatory Administration na nasa ilalim ng DA pumapayag na mag-import ng 200,000 metric tons ng asukal.

“Ito talaga ang naging trend na ngayon, puro na lang importasyon. Kahit na sinasabi ng ating local producers na may sapat na supply ay tuloy-tuloy pa rin itong importasyon”ani Zarate.

“Ang tinatamaan nito ay ang mga local producers. Kaya nananawagan na tayo sa Office of the Ombudsman or even the [DOJ] through the National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ito”dagdag pa ng solon.

 Giniit ni Zarate na dahil sa walang basehang importasyon ng DA ay nasasabotahe na ang lokal na industriya.

Sa halip na tulungan umano ng DA ang mga magsasaka na makabangon dala ng dagok ng COVID 19 patuloy pa rin ito sa  paglugmok sa kanila sa kahirapan.

“Halimbawa nasa 200,000 metric tons yan, humigit-kumulang siguro 50,000 farmers ang affected niyan, at 100,000 farm workers including their families. The sugar importation would lead to P2 billion in total losses”ani Zarate.

Hindi lamang umano asukal kundi nag iimport din ang DA ng baboy at galunggong. Gail Mendoza