Solon sa LGUs: Pagdating ng bakuna paghandaan

Solon sa LGUs: Pagdating ng bakuna paghandaan

July 13, 2021 @ 2:09 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Hinihikayat ni Ways and Means Chairman Joey Salceda ang local government units (LGUs) na paghandaan ang kinakailangang pasilidad para sa mass vaccination, vaccine storage at transport ng mga bakuna.

Ito ay kasunod na rin ng inaasahang pagdating ng nasa mahigit 33 milyong COVID-19 vaccines sa katapusan ng Hulyo.

Ayon kay Salceda, sa oras na dumating na ang mga bakuna, kailangang maibahagi ito sa mga lugar na may tamang cold storage facilities na kayang magimbak ng COVID-19 vaccines sa loob ng 6-month expiry deadline.

Samantala, sa regional level naman, dapat na simulan na ng Department of Health (DOH) kung saang lalawigan itatalaga ang mga freezers at paano ito maipapamahagi bago pa man malusaw.

Mahalaga aniyang maging strategic sa distribusyon ng bakuna, point-to-point at episyente.

Inirekomenda rin ni Salceda sa mga LGUs na bumuo ng “strategic vaccination clusters” kung wala silang sariling pasilidad.

Tulad aniya sa kanilang distrito sa Albay, mayroong clustering ng mga munisipalidad kung saan ang mga maliliit na municipalities ay maaring maimbak ng COVID-19 vaccines sa mga malalaking LGUs. Gail Mendoza