Solon sa publiko: Maharlika Wealth Fund bill, tutulan

Solon sa publiko: Maharlika Wealth Fund bill, tutulan

December 12, 2022 @ 9:20 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hinihikayat ng miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara ang publiko na  patuloy na tutulan ang panukalang paglikha ng Maharlika Wealth Fund (MWF) sa gitna ng ispekulasyon na aaprubahan ito ng lower chamber sa ikalawang pagbasa ngayong linggo.

Sinabi ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na ang House Bill 6398 — na iniakda nina Speaker Martin Romualdez, Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, at apat pang mambabatas — ay inaasahang tatalakayin ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries ngayong Lunes.

Posible namang iendorso ito sa plenary approval sa parehong araw, dagdag niya.

Inihayag ni House Majority Leader Manuel Jose Dalipe noong nakaraang linggo na malabong aprubahan ng lower chamber ang HB 6398 sa ikalawang pagbasa ngayong buwan. Ang huling sesyon ng Kamara ay nakatakda sa Dec. 14  at magbabakasyon ang mga mambabatas ng isang buwan para sa holidays.

Bagama’t inaasahan ni Castro na makalulusot ang HB 6398 sa final reading sa Kamara dahil sa administration-backed super majority coalition, iginiit niya na ang pagtutol na publiko ay maaaring makakumbinsi sa proponents at supporters nito na muling ikonsidera ang paglikha ng MWF.

“Mukhang sa Monday, ibabalik sa mother committee, sa Committee on Banks and Financial Intermediaries, para i-finalize ang bill sa Maharlika Wealth Fund. Tingin ko dadalhin na rin ‘yan sa plenary Monday afternoon,” ani Castro nitong Linggo.

“Bagamat sa botohan ay maliit kami doon sa Kongreso, pero kapag nagsalita ang mga mamamayan, mas malakas ‘yan kesa sa super majority. Kaya nga inatras nila nang inatras. Tinanggal ang GSIS, SSS, ‘yung ₱25 billion sa GAA, ‘yung presidente as chairman of the board,” dagdag niya.

“Alam naman natin ang mandato ng DBP at Landbank, tumulong sa micro, small and medium enterprises, sa mga magsasaka. Magpautang. ‘Pag dinala ang surplus ng Landbank sa wealth fund, mababawasan ang potential na maitulong natin sa MSMEs,” paliwanag pa niya. RNT/SA