Solon sa SSS: Pension taasan kaysa Maharlika

Solon sa SSS: Pension taasan kaysa Maharlika

December 9, 2022 @ 7:26 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro nitong Huwebes, Disyembre 8 ang Social Security System (SSS) na bayaran na lamang ang karagdagang P1,000 pension sa mga miyembro nito sa halip na ilagay sa Maharlika Wealth Fund.
.
“Sa Committee on Government Enterprises and Privatization, in principle naman ay approved na ito kasama nung bill ni Congressman Go kaugnay naman din sa the same purpose. In principle, approved na ito at kailangan na talaga ibigay ng SSS ang kanilang obligasyon sa pensyon at hindi na dapat sila nakisawsaw sa Maharlika na ito,” ani Castro kasabay ng pulong balitaan ng Makabayan Bloc.

Inalala niya na ang karagdagang P2,000 SSS pension ay inaprubahan na ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ngunit P1,000 pa lamang ang ibinibigay.

Ipinunto rin niya na kung nakakakolekta ang SSS ng maayos sa kanilang premiums, dapat ay mas maayos din nitong matugunan ang pagbibigay ng karagdagang pensyon.

“Yung kanilang inefficiency sa collection ay talagang problematic. Yung kanilang mga pinasok before na mga investment ay nagkaroon rin ng iba pang mga problema na kung tutuusin, kung talagang efficient lang ang SSS, kayang mabayaran itong additional o itong utang ng gobyerno o SSS sa mga ating mga pensioner na additional P1,000,“ sinabi pa ni Castro.

Samantala, iginiit rin ng mambabatas ang House Bill 6560 na magpapataas sa minimum monthly salary ng mga empleyado gn gobyerno sa P33,000.

“Kahapon po, sinamahan tayo ng ating mga government employees at mula sa ating mga private workers para i-file itong House Bill 6560. Basically, gusto natin sa bill na ito na yung salary grade 1 ay maging P33,000, na ibig sabihin nito, nakabatay ito sa family living wage,“ ani Castro.

“Maging ang mga government employees ay hirap na hirap nang pagkasyahin ang kanilang mga sweldo kasi sa ngayon ang salary grade 1 ay nasa mga P13,000 lang iyan. Hindi pa nga ito tumuntong sa minimum wage na halimbawa dito sa National Capital Region na P570,“ dagdag pa niya.

Dahil dito ay napapanahon na umano na talagang taasan ang sweldo ng mga government employees kasabay ng pagtataas sa sweldo sa pribadong sektor.

“Kaya napapanahon, nararapat at reasonable na talagang ito ang asikasuhin ng ating Kongreso, itong pagtataas ng sweldo ng ating government employees. Kasabay na rin diyaan ang pagtataas ng sweldo ng ating mga private sector.” RNT/JGC