Solon tikom sa DepEd confidential fund

Solon tikom sa DepEd confidential fund

October 3, 2022 @ 4:37 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tikom ang bibig ni House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose Dalipe nang tanungin tungkol sa P150-milyon confidential funds ng Department of Education.

“I will update you after nung small group namin sa small committee,” ani Dalipe sa tanong ng mga mamamahayag nitong Lunes, Oktubre 3 sa Kamara.

Sa halip ay pinagtuunan niya ng atensyon na sagutin ang pagsasaayos ng pondo ng mga programang hindi nabigyan ng budget.

“Definitely there will be changes on that, hindi naman maze-zero,” aniya.

“The instruction of Speaker Ferdinand Martin Romualdez is to see to it that when we forward it or when we transmit it to the Senate maayos nang lahat,” dagdag pa ng mambabatas.

Matatandaan na nitong Linggo ay sinabi ni Senator Aquilino Pimentel III na dapat ay ilipat sa ibang ahensya o programa ang hinihiling na confidential funds ng DepEd at Office of the Vice President.

“I am one with him for additional budget for the classrooms but not necessarily naman kukunin sa confidential funds,” tugon niya sa suhestyon ni Pimentel.

“When the Vice President was here during the sponsorship of the budget of her department, clear naman kay Secretary Sara Duterte yung purpose ng confidential funds. And if there is a need to add more funds for classrooms, then we will add accordingly,” dagdag pa niya.

Ipinaliwanag naman ni Dalipe na bumuo ang Kamara ng small committee na pag-uusapan ang proposed individual amendments ng bawat mambabatas kaugnay ng 2023 NEP kasama sina Minority Leader Marcelino Libanan, House Appropriations Committee Chair Elizaldy Co at Senior Vice Chair Stella Quimbo.

“We will be convening the small committee para sa mga amendments. Siguro in a few days we will be able to forward it already to the Senate. We’re just trying to…trying yung amendments,” aniya. RNT/JGC