Solusyon ipamana sa susunod na henerasyon – Antiporda

Solusyon ipamana sa susunod na henerasyon – Antiporda

October 7, 2022 @ 7:26 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – “Tama na ang panahon na ipinamamana natin sa ating mga susunod na administrasyon o susunod na henerasyon ang problema. Siguro aniya ay oras na para ipamana naman natin sa kanila ay solusyon.”

Ito ang binigyang diin ni National Irrigation Administration Administrator Benny D. Antiporda sa katatapos na Irrigators Association Congress na ginanap sa San Leonardo, Nueva Ecija nitong Oktubre 5.

Si Antiporda ay nagtungo sa lalawigan ng Nueva Ecija upang ipakita at ipadama sa mga magsasakang nasasakupan ng Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems
(UPRIIS) ang tunay na pagmamalasakit ng NIA.

Nanawagan din ito sa mga magsasaka na nasasakupan ng UPRIIS na magbayanihan aniya upang malinis ang mga kanal at pasilidad na naapektuhan ng bagyong Karding.

Binanggit din nito ang mga programa tungkol sa food security ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sinabi din ni Antiporda na ang pangunahing layunin ng NIA ay ang patuloy na pagbihigay serbisyo sa mga tao.

Ang IA Congress ay inorganisa ng NIA-UPRIIS sa pangunguna ni Engr. Rosalinda Bote.

Dumalo din sa pagtitipon si Vice Governor Anthony Umali. Elsa Navallo