Manila, Philippines – Hindi nga ako nagkamali, doon sa column ko last Sunday.
Sabi ko, kakaiba ang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong 2018. Kakaiba, dahil ang daming nangyari na puro first time.
Muntik pa nga siyang maagawan ng eksena o naagawan na nga siya ng dramang naganap bago ang SONA.
First time ang biglaang pagpapalit ng leadership sa Kamara de Representante…..ito ang dramang tinutukoy ko.
Muntikanan na ring ‘di na ituloy ni Digong ang speech niya dahil sa pagkadismaya sa pangyayari dahil sa nangyaring drama o kakaibang eksena sa loob ng Batasang Pambansa.
At sa unang pagkakataon, ‘di nagmura ang Pangulo (Praise the Lord).
Anyway, nairaos naman nang matiwasay ang SONA na umabot lamang ng 49 minutes.
Mas matagal pa ang pag-antay at pananabik ng mga naroroon sa Plenary Hall at ng mga naka-monitor sa kanilang mga television at mga radyo.
Ibinida ng Presidente ang mga accomplishment niya.
Inilatag din niya ang kaniyang mga prayoridad, mga programa at mga plano para sa tamang direksyong patungo ang bansa.
Tinanong ako ng kasama ko sa programa (public service program sa radyo), kung anong grade raw ang maibibigay ko sa naging talumpati ng Pangulo.
Sagot ko, sa 10 na pinakamataas, 7 points ang ibinigay ko kay Tatay Digong.
Malinaw ang mga naging report niya sa bayan, direct to the point, wala nang paligoy-ligoy pa at walang mga adlib.
Naisakatuparan naman ni Bb. Joyce Bernal na siyang ng director ng SONA ang kanyang gustong mangyari sa napakahalagang okasyong ito.
Akala ko nga kasama sa idinerek niya ang eksena ni Rep. Gloria Macapagal Aroyo at Rep. Panta-leon Alvares.
Pero tulad ng inaasahan, kung pasado sa akin ang laman ng SONA, bagsak naman ito sa iba.
Hindi raw nasiyahan ang mga militanteng grupo na nag-abang sa Commonwealth Ave.. sa mga sinabi ng Pangulo.
Nakulangan daw sila at ni-recycle lang daw ang ibang sinabi niya.
Tanong ko naman, paano ba masisiyahan ang mga kritiko sa mga sasabihin ng Pangulo?
Kailan sila makukuntento sa lalamnin ng speech niya?
Ano ba ang gusto n’yong marinig sa mga sasabihin ng Pangulo?
-ALIN ANG NAIBA NI ALIN FERRER