SONA 2022 PASADO

SONA 2022 PASADO

August 1, 2022 @ 7:53 PM 1 week ago


NATUNGHAYAN nang buong bayan ang unang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kung saan marami ang sumuri sa mga sinabi, sa mga hindi sinabi at sa mga diin at pokus ng SONA. Hindi rin pinalampas ang haba ng talumpati, ilang beses ang palakpakan at kahit ang fashion statements ng mga dumalo.

Magkahalo ang reaksyon ko sa SONA 2022. Sa isang banda, medyo nagulat ako sa detalye ng mga plano at targets na gustong gawin ni PBBM. Pakiramdam ko, napaghandaan ng mabuti ang SONA speech nya. Mistulang handa, pinag-aralan at seryosong pinag-isipan ang talumpati.

Gusto ko ang tutok sa agrikultura at pagkain, kasi nga naman siya rin ang Kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura, at alam niya na dapat iwasan ang gutom. Dahil kapag kumakalam ang sikmura ng mamamayan, mas malapit ang pagrereklamo at baka nga mag-alsa pa ang taong bayan.

Ang tanong ngayon, gaano pa kaya kalapit sa katotohanan ang pangako na magiging bente pesos ang isang kilo ng bigas? Baka sa pagbabalik ng Kadiwa eh mangyari na ito.

Gusto ko rin ang paglalahahad ng pag-rekover sa pandemya. Mas marami at malawak na bakuna, habang sisiguruhin na walang lockdown. Gets ko ito, lalo na nga sa mga arawan ang sweldo. Sana naihabol ang pagtalaga ng bagong DOH Secretary.

Nagmarka rin sa akin ang plano na magpapatayo ng mas maraming hospital at specialized medical centers sa bawat rehiyon.

Nagawa iyon noon ni Marcos Sr., ama ni Pangulong Bongbong, sa Metro Manila, kaya kung tutukan ng husto, pwede ngang magawa ito ngayon sa bawat rehiyon. Napakalaking benepisyo nito sa mga mahihirap na mga may sakit sa mga lalawigan. .

Naintindihan ko ang dismaya ng ilang grupo dahil hindi raw nabanggit ang kanilang mga isyu, tulad ng karapatang pantao, korapsyon, isyu ng mga kababaihan at karapatan ng mga manggagawa at katutubo. Pero sa susunod na isyu ko na yan tatalakayin. Sa ngayon pasado sa akin ang unang SONA ni PBBM. Sa inyo ba, pasado?