SONA ni PBBM pang-mayaman, ‘di para sa ordinaryong Pinoy

SONA ni PBBM pang-mayaman, ‘di para sa ordinaryong Pinoy

July 26, 2022 @ 3:15 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Malinaw na para sa mga investors ang target ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos at wala itong malinaw na aksyon para sa mga ordinaryong Filipino.

Ito ang inihayag ni Gabriela Partylist Rep Arlene Brosas kung saan wala umanong banggit sa SONA ukol sa excise tax, VAT , wage increase at contractualization na syang hinihintay ng taumbayan habang makailang beses na binigyang diin sa SONA ang Public Private Partnership (PPP).

“While there may be good sounding plans and programs, his top priorities are not in sync with what poor Filipinos need – lowering of prices of food and basic commodities, wage hike, contractualization, affordable housing, end to human rights violations and extra-judicial killings, and resumption of peace talks,” pahayag ni Brosas.

Pinuna din ni Brosas ang kawalang konkretong plano sa tumataas na namang kaso ng COVID 19 cases sa bansa.

Hindi rin pabor ang Gabriela Partylist sa planong pagbibigay ng loan sa mga magsasaka para tugunan ang mababang produksyon sa agricultural, ani Brosas, mababaon lamang sa utang ang mga magsasaka na sa ngayon ay hindi pa nakakaahon dahil sa epekto ng Rice Liberalization Law at mataas na presyo ng langis.

“Akala ba namin magiging bente pesos na ang kilo ng bigas? Sa kabila ng sunod-sunod na bagyo at pagtaas ng presyo ng krudo sa bansa, ni-piso walang natanggap ang mga magsasaka. Hindi kailangan ng mamamayan ng puro pangako o kaya naman programang sa porma ng pautang, ang kailangan ng mga magsasaka ngayon ay direktang subsidyo para sa lahat ng manggagawa sa agrikultura,” giit ni Rep. Brosas.

Sinabi ni Brosas na kanilang itutulak sa KAmara ang panukalang House Bill 406 na naglalayong bigyan ng P15,000 production subsidy ang mga magsasaka gayundin ang pagpasa sa Rice Industry Development Act na magpapalakas sa industriya ng bigas. Gail Mendoza