SONA ng katotohanan

SONA ng katotohanan

July 18, 2018 @ 7:27 PM 5 years ago


Sa Hulyo 23, 2018, muling haharap si Pangulong RODRIGO ROA DUTERTE sa taumbayan at magbibigay ng kanyang paha­yag sa bisa ng “State of the Nation Address” o SONA. Ano ang inaasahan ninyo?

Sa tagal at dami ng mga namuno sa ating bansa, isa lang halos ang nilalaman ng SONA. Sinasabi rito ang mga nagawa ng namahala at kung ano ang kanilang mga gagawin pa na proyekto’t programa.

Nang maupo si Pangulong RODRIGO ROA DUTERTE, sa kanyang unang SONA, marami ang nabigla at nagulat. Mayroon din naman nasorpresa dahil taliwas sa inaasahan, sa kabila na may nakahandang batayan ng kanyang pahayag, iniba ni Pangulong DUTERTE ang SONA sa pagmensahe.

Sa totoo lang, para sa atin, wala tayong hinihintay na bago sa mga sasabihin ng Pangulo. Araw-araw ay napapanood natin, naririnig ang kanyang mga pahayag na kadalasan ay may kimkim ng hinanakit dahil alam niya ang tunay na nangyayari.

Pinanghahawakan natin ang kanyang pangako – pagdurog sa mga kapural sa pagkakalat ng iligal na droga at pagparalisa sa mga kriminal.

Idagdag diyan ang kanyang BUILD, BUILD, BUILD, maligaya na tayo na matupad ang tatlong iyan!

Gusto man ni MAYOR DIGONG na gawin ang isang bagay na wala sa tatlong iyan, maraming sagabal. Karamihan ay ang mga politiko na nagpalit-anyo, sumapi sa kanyang partido pero iba ang kanilang interes!

Nakalulungkot na katotohanan ang ugali ng mga lider-politiko natin. Sa halip na maglingkod batay sa serbisyo sibil na kanilang sinumpaang tungkulin, mas nangingibabaw ang makasariling interes, wala na.

Mayroon naman totoo pero hala, bilangin natin. Hindi sila sapat para maisulong ang mga dapat unahin.

Baguhin man ang estado ng pamamahala, habang bulok ang nasa utak ng mga politiko, ano pa kaya ang aasahan ng publiko para matikman ang maunlad at masaganang buhay?

Ngayon pa nga lang sa pag-uusap kung ano ang sasabihin ni PANGULONG DUTERTE sa kanyang ikatlong SONA, hayun ang mga KONTRABIDA na puro ingay, puro gawa ng mga isyu na walang batayan pero hindi na rin nakapagtataka na sila ang laman ng balita. Nasa laki ng pera nila kaya headline pa sila kadalasan!

Huwag na tayong umasa pa na iba ang pahayag sa SONA. Mas nakikita natin na ang ibibigay ni PANGULONG DIGONG ay SONA ng katotohanan! – BALETODO NI ED VERZOLA