SOSIA, INILATAG MGA TUNGKULIN, KARAPATAN NG MGA SEKYU 

SOSIA, INILATAG MGA TUNGKULIN, KARAPATAN NG MGA SEKYU 

February 22, 2023 @ 10:07 AM 4 weeks ago


KAMAKAILAN lamang ay inilatag ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies  ang mga tungkulin at karapatan ng mga security guard ng security agencies sa bansa.

Hindi kasi kaila sa naturang tanggapan na naaabuso ng ilang mga kompanya o indibidwal ang karapatan ng mga guwardiya na itinalaga sa kanila ng nilalapitan at binabayarang security agency.

Kadalasan kasi, may mga guwardiya na bukod sa pagbabantay, nauutusan din sila na maglinis ng tanggapan, ng palikuran o magtimpla ng kape sa mga kawani o opisyal ng kompanya na kung tutuusin ay lihis na sa kanilang trabaho. May ilan ding kompanya na ginagawang kargador ang kanilang security guard kung kulang sa pahinante na nagdedeliver ng kanilang produkto.

Sabi nga ng SOSIA, ang tanging tungkulin lamang ng mga security guard ay magbantay upang mapangalagaan ang katahimikan ng isang lugar, kompanya, o establisimyento kung saan sila nakatalaga at hindi na dapat pang lumagpas dito ang kanilang trabaho. Kung tutuusin nga, maraming security guards ang hindi man lamang sumasahod nang naaayon sa umiiral na minimum wage dahil kinakaltasan sila ng kanilang ahensiya na nagtalaga sa kanila sa isang kompanya o establisimyento.

Mayroon din namang binubwenas na nakakakuha ng mabait na may-ari ng kompanya o establisimyento na bukod sa kanilang sahod ay nabibigyan pa ng dagdag nakita at nalilibre pa ng gastusin sa pagkain. Bagama’t marangal na trabaho ang maging security guard, may ilan din namang akala nila ay may hawak na kapangyarihan, lalo na’t may pribilehiyo silang magbitbit ng baril sa oras ng kanilang tungkulin, kaya’t ganoon na lamang ka-angas kapag naninita ng mga pumapasok sa kanilang pinaglilingkurang kompanya o establisimyento.

Kumbaga, feeling pulis ang ilan sa kanila kapag suot ang uniporme at may nakasukbit na baril sa baywang. Marami ring security guards na hindi lamang pagbabantay sa paligid ng kompanya, gusali, o establisimyento ang ginagawang trabaho kundi umaakto rin silang “parking boys” lalo na kung may sapat na lugar para pagparadahan ng mga sasakyan na sakop ng kanilang binabantayan.

Kamakailan nga lang ay napaulat ang kostumbre ng nakatalagang security guard sa paligid ng Pasay City Hall na nagrereserba ng lugar upang may mapagparadahan ang kanilang suking motor riders na nagbabayad sa kanila para makaparada sa lugar.

Ang nangyayari tuloy, nahihirapang humanap ng paradahan ang lehitimong taxpayers na nagnanais magbayad ng buwis sa lokal na pamahalaan dahil wala silang paradahan dahil inireserba na ng security guards sa kanilang kliyente ang slot ng paradahan.

Hindi lang natin alam kung nakarating na sa kaalaman ni Mayor Emi-Calixto Rubiano ang reklamo pero malamang na iuutos niya sa security agency na palitan ang mga guwardiya nila na may masamang kostumbre dahil nakakaapekto rin ito, hindi lang sa imahe kundi sa kita ng lungsod.

At alam nyo ba, hindi lang sa Pasay City Hall may ganitong security guard dahil mismong sa service road ng Roxas Boulevard sa tapat ng Ermita Center, may unipormadong security guard din ang nagrereserba ng parking o umaaktong parking boy sa pamamagitan ng paglalagay ng malaking lubid sa kalsada na akala mo ay pag-aari nila ang lugar.

Hindi ka basta makapaparada kung hindi ka kliyente ng guwardiya dahil may tali ng lubid ang lugar na kung tutuusin ay nasa ilalim ng pangangalaga ng Manila Traffic and Parking Bureau  na silang may karapatan para maningil ng parking fee. Ano kaya ang hawak na alas nitong security guard sa harap ng Ermita Center at nakakapagdikta para harangan ang paradahang nasa ilalim ng MTPB?