Sotto, may laban kay Duterte sa VP race sa 2022 elections – Lacson

Sotto, may laban kay Duterte sa VP race sa 2022 elections – Lacson

July 9, 2021 @ 5:50 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – May laban si Senate President Vicente Sotto III kay Pangulong Rodrigo Duterte sakaling magdesisyon silang dalawa na kapwa tumakbo sa vice presidential bid sa May 2022 elections.

Reaksyon ito ni Senador Panfilo Lacson matapos sabihin ng pangulo na ikinokonsidera na niyang tumakbo sa pagkabise presidente kasunod ng panghihikayat sa kanya ng mga kasamahan niya sa PDP-Laban.

“That’s good. My vice presidential bet, Senate President Sotto is in for a good fight. He has become more determined than ever to go for it and is ready to rumble,” ani Lacson.

Pero giit ni Lacson, tumakbo man o hindi si Duterte, nakasalalay pa rin sa mga Pilipino ang desisyon.

Aniya, ang pagtakbo ng pangulo ay magtutulak sa mga Pilipino na pumili sa pagitan ng pagpapatuloy ng kung anong mayroon na o pagbabago.

“If the choice is change, we can simply reject the status quo. If we are happy with what we have become for the last five years, then continuity should be a better option.”

Kamakailan lamang nang sabihin ni Sotto na siya ang magiging running mate ni Lacson sakaling magdesisyon itong tumakbo sa pagka-pangulo.

Kinumpirma naman ito ni Lacson at sinabing nakataga na sa bato ang kanilang pagtatambal sa eleksyon.

Pero paglilinaw ng senador, maingat pa rin nila itong pinag-iisipan.

Kahapon, matatandaang sinimulan nina Lacson at Sotto ang kanilang “Luzon consultative tour” sa Malolos, Bulacan bago ang halalan sa susunod na taon.

Sabi ni Sotto, layon nito na kumuha ng updates sa kalagayan ng mga lokal na pamahalaan, tingnan ang COVID-19 situation sa mga lokalidad at lumikom ng suhestiyon para sa post-COVID-19 recovery plan ng bansa. RNT