Sotto sa hit-and-run SUV driver: Arestuhin, ‘wag imbitahan!

Sotto sa hit-and-run SUV driver: Arestuhin, ‘wag imbitahan!

June 14, 2022 @ 8:57 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Iginiit ni outgoing Senate President Vicente Sotto III na wala na dapat pag-anyanyang nangyayari sa driver ng sports utility vehicle (SUV) na sangkot sa hit-and-run incident na ginulungan ang isang security guard-traffic enforcer sa Mandaluyong City noong isang linggo.

Giit ng senador, dapat may arrest warrant na ito.

Aniya pa na hindi niya maintindihan kung bakit “napaka-tentative ang mga awtoridad tungkol sa taong ito”.

“Invite? Surrender? Arrest is the better word!,” giit pa niya.

Sa isang panayam noong Lunes, muling iginiit ni Sotto na dahil natukoy na ang driver batay sa mga dokumento ng sasakyan, dapat itong arestuhin kaagad.

“So, anong meron? Blatant eh, kitang-kita eh. A good driver would not do that,” aniya sa isang panayam, na tinutukoy ang driver na sadyang sumagasa kay Christian Floralde sa intersection ng Julia Vargas Avenue at St. Francis Street noong Hunyo 5.

Si Floralde, 31, ay sumenyas sa mga sasakyan na huminto ngunit hindi huminto ang sangkot na puting SUV at tuluyang ginulungan ang biktima.

“’Yun lang aso kundi kaya pusa, iiwasan mo eh. Ito tao eh. Anong klase yun?” ani Sotto.

Naniniwala si Sotto na magmamaneho pa rin si San Vicente kahit bawiin ng Land Transportation Office ang kanyang lisensya.

Hinimok niya ang mga awtoridad na kumilos at gawin ito sa tamang paraan.

“It is a bad sign for the people. It is a bad sign for other drivers na okay lang pala eh. Kailangan talaga kumilos ang otoridad. People might think that they are incompetent,” dagdag pa ni Sotto. RNT