SOUTH AFRICA, PINAS SABAY NA BINAHA AT NASIRAAN

SOUTH AFRICA, PINAS SABAY NA BINAHA AT NASIRAAN

April 19, 2022 @ 2:16 PM 2 months ago


MAGKASABAY na binaha ang Pilipinas at South Africa at parehong nasiraan nang matindi sa buhay at ari-arian.

Mapalad-palad ang Pilipinas kung tutuusin sapagkat wala na ang bagyo na lumikha ng kasiraan samantalang kasalukuyan pang inuulan ang South Africa makaraan silang bagyuhin.

Mapalad-palad din tayo dahil hindi umabot sa 200 ang nasawi samantalang nasa 400 ang sa South Africa.

LANDSLIDE AT BAHA

Pareho ang dalawang bansa sa karanasan na karamihan sa mga namatay ang biktima ng katakot-takot na mga baha at landslide.

Subalit may mga pagkakaiba sa mga araw na ito at walang iba kundi ang pag-aaral kung paano naganap ang mga nasabing sakuna bukod sa pagdating ng magkahiwalay ng bagyo.

Sa South Africa, may inilalabas na mga dahilan ng mga sakuna na maaari nating pagkunan ng leksyon.

Ayon sa mga sumusubaybay, bulubundukin ang lugar na marami ang namatay, ang Durban area.

Matapos ang apartheid o matinding diskriminasyon sa mga itim ng mga puti na karamiha’y British, mabilis na dumami ang mga informal settler sa lugar at nagtayo ng mga marurupok na bahay na madaling nasira at itinayo sa mga lugar na delikado gaya ng mga gilid ng mga bundok at ilog.

Nang bumagyo at bumaha, nagiba ang mga lupa at mga bahay na ikinasawi ng daan-daang tao.

Subalit madali na ring nasira umano ang mga trensera sa pagiging luma ng mga ito, kasama ang mga kalsada at tulay na luma na rin na madali ring sinira ng mga baha at landslide.

Hindi rin umano naaayos at nakatugma sa panahon ngayong marami na ang tao sa lugar ang mga daluyan ng tubig gaya ng mga drainage kaya madaling bumaha ang mga ito.

Lalo‚ÄĚt ang ulan umano roon ay sobrang lakas at siyam-siyam pa na ngayon lang umano nagaganap makaraan ang matagal na panahon.

SA PINAS?

Sa Kabisayaan at ilang bahagi ng Mindanao na sinalanta ng bagyong Agaton, nasa delikado o danger zone din ang marami sa mga nasalanta dahil nasa gilid sila ng mga bundok at ilog.

Kaya nang maglandslide at bumaha, gayon na lamang ang mga pinsala sa buhay at ari-arian ng mga Pinoy.

May pagkakapareho?

Mayroon din bang mahihina at lumang imprastraktura na bumigay kaya nadamay ang mga mamamayan?

GUMAWA NG PARAAN

Ang sinasabi ng iba, dulot na umano ng nagbabagong panahon o climate change ang mga dumarating na matitinding bagyo at baha.

Bagama’t maaaring may katotohanan dito, sinasabi ng mga taga-South Africa na mga gawa ng tao at gobyerno ang malalaking dahilan ng nagaganap na kasiraan sa kanila.

At katulad na nga ng sinasabi natin sa itaas, nagdulot ng matinding kasiraan sa kapaligiran at buhay ang walang habas na pagtatayo ng kabahayan sa mga delikadong lugar at pawang mga luma at marurupok na ang mga imprastraktura na dapat sana’y depensa ng mga mamamayan sa mga sakuna.

Kung may ganito ring kalagayan ng mga nasalanta sa Kabisayaan at Kaminddanawan, aba, mag-isip-isip tayo ng  mga remedyo.

Tungkulin pangunahin ng pamahalaan mula nasyunal hanggang sa mga lokal ang pagtuklas ng mga solusyon sa mga problema.

Pero dapat ding makiisa ang mga mamamayan upang maging maayos, matibay at pangmatagalan ang mga solusyon para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.