South at East MM bike Lane Network nakumpleto na

South at East MM bike Lane Network nakumpleto na

May 1, 2022 @ 11:01 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang 66.10-kilometrong South at East Metro Manila Bike Lane Network na sumasaklaw sa mga lungsod ng Marikina, Parañaque, Muntinlupa, at Las Piñas.

Sa isang pahayag, sinabi ni DPWH Secretary Roger Mercado na ang bagong protektadong bike lanes ay magbibigay ng kaligtasan sa siklista.

Ang proyekto ay binubuo ng East o Marikina Bike Lane Network na may kabuuang haba na 17.20 kilometro, na sumasaklaw sa 8.72 kilometrong General Ordoñez Avenue; ang 1.90-kilometer Liwasang Kalayaan; ang 3.92-kilometrong J. Molina, Scarlet, at Russet Streets; at ang 2.64-kilometrong Park Creek, mula sa St. Vincent Hospital hanggang Marikina Rehabilitation Center.

Sa kabilang banda, ang 48.90 kilometrong South Manila Bike Lane Network ay sumasaklaw sa 16.87 kilometrong Quirino Avenue hanggang San Antonio Avenue sa pamamagitan ng NAIA Road, Ninoy Aquino Road at Parañaque-Sucat Road sa Parañaque; ang 21.83-kilometrong Carlos P. Garcia Ext. hanggang Bridgeway Avenue/North Bridgeway via Diego Cera Avenue at Alabang-Zapote Road sa Muntinlupa; at ang 10.20-kilometrong Investment Drive sa Portofino Heights sa pamamagitan ng Daang Hari Road sa Las Piñas.

Dagdag pa aniya ang inilagay na reflectorized thermoplastic pavement markings, bike lane separator, bike racks, at road signages .

Ang parehong mga pasilidad ng bicycle lane ay inuri bilang Class 3 o Shared Roadway, kung saan ang bahagi ng kalsada ay itinalaga at minarkahan bilang ruta ng bisikleta at maaaring ibahagi sa mga motor vehicles.

Ang natapos na proyekto, na kumokonekta sa 313-kilometrong Metro Manila Bike Lane Network, ay bahagi ng pangako ng DPWH-DOTr (Department of Transportation) sa pagtataguyod ng aktibo at environmentally sustainable na transportasyon sa bansa.

Pinasinayaan noong Abril 27 at dinaluhan nina DPWH National Capital Region Director Nomer Abel Canlas, at DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor, na kumakatawan kay DOTr Secretary Art Tugade, at iba pang opisyal ng gobyerno. Jocelyn Tabangcura-Domenden