Spa sa Quezon City na nag-aalok ng ‘extra service’ sinalakay; 22 lalaki na-rescue

Spa sa Quezon City na nag-aalok ng ‘extra service’ sinalakay; 22 lalaki na-rescue

July 26, 2018 @ 12:50 PM 4 years ago


 

(UPDATE) Manila, Philippines – Na-rescue ang dalawangpu’t dalawa na mga kalalakihan na nagtatrabaho sa isang spa sa Kamias Road Quezon City na nagbibigay umano ng extra service sa kanilang mga parokyano.

Alas-11 kagabi ay tumulak ang mga operatiba ng Anti-Trafficking on Person Division sa 96 Essenca Spa matapos makatanggap ng impormasyong may alok na “extra service” ang establisimiyento.

Sa isinagawang rescue operation, isang operatiba na nagpanggap bilang kostumer ang kumpirmadong inalok ng extra service. Naabutan pa ng mga pulis ang mga lalaking masahista sa ground floor na nag-aabang ng kanilang mga kostumer.

Sa 2nd floor hanggang 3rd floor naabutan ang mga lalaking walang saplot pang-itaas.

Nasa P500 daw ang karaniwang singil sa masahe pero 2000 hanggang 4000 pesos ang singil kung may “extra service.”

Sa pagsisiyasat ng operatiba wala rin silang makitang business permit at rehistro ng naturang spa.

Napag-alamang walang health permit ang mga masahista na requirement sa mga empleyadong nagbibigay ng personal services tulad ng pagmamasahe.

Kabilang ang 5 menor de edad na masahista ang nasagip sa 22 na mga lalaki, habang inaresto naman ang owner na si Alvin Lim, at ang bugaw na si Julius Valenzuela.

Iniimbestigahan pa kung may kaalaman ang manager at may-ari ng spa sa pagbibigay ng extra service ng mga masahista.

Todo tanggi  naman si Alvin Lim na siya ang may ari ng spa at tanging magpapamasahe lang ang pakay nito

Ayon sa hepe ng Anti-Trafficking Division na si Police Sr. Supt. Villamor Tuliao, sasailalim sa counselling ng DSWD ang mga na-rescue,  at isasasa rin sa mga programang pangkabuhayan para hindi na sila bumalik pa sa parehong hanapbuhay. (Joshua Abiad)