SPD humingi ng tulong sa AMLC sa Lapid slay case

SPD humingi ng tulong sa AMLC sa Lapid slay case

October 21, 2022 @ 1:39 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang matukoy ang maaaring mastermind sa pagpatay sa broadcastr na si Percy Lapid na di-umano’y nag-deposit ng P550,000 sa bank account ng self-confessed gunman na si Joel Escorial.

“Gumawa na po tayo ng kaukulang komunikasyon po sa naturang bangko at pati na rin po sa AMLC nang matulungan po tayo ma-determine po kung sino man po yung nag-deposito,” sinabi ni Southern Police District (SPD) director Police Brigadier General Kirby Kraft sa panayam ng DZBB.

Sa ganitong paraan ay maaari na matukoy ang mastermind sa pagpayag kay Lapid, o Percival Mabasa sa tunay na pangalan.

Matatandaan na ibinalitang nasawi sa loob mismo ng New Bilibid Prison ang itinuturong middleman sa pagplano sa pagpatay kay Lapid na si Crisanto Palana Villamor Jr.

Maliban dito, ayaw ding makipagtulungan sa pulisya ang ikalawang middleman na napaulat na nasa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ayon kay Kraft, sa kabila ng mga pangyayaring ito ay maaari pa rin silang mag-imbestiga sa naging pahayag ni Escorial ng paglilipat ng pera sa kanyang account.

Siniguro naman umano ng BJMP sa Philippine National Police (PNP) na iingatan nila ang ikalawang middleman matapos ang pagkasawi ng isa sa kustodiya ng Bureau of Corrections.

Matatandaan na noong sumuko si Escorial kamakailan, maliban sa dalawang middlemen ay ikinanta din niya ang dalawang kasamahan sa pagpatay ang magkapatid na sina Edmon at Israel Dimaculangan kasama ang isa pang tinawag niyang “Orlando” o “Orly”. RNT/JGC