SPD may lead na sa ambush-slay ni Percy Lapid

SPD may lead na sa ambush-slay ni Percy Lapid

October 5, 2022 @ 6:58 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng Southern Police District (SPD) na nakakuha na sila ng lead ayon sa kanilang nakita sa dashcam ng sasakyan at cellular phone ng inambush na broadcaster na si Percival Mabasa, na mas kilala bilang Percy Lapid, nan ai-turnover sa pulisya ng naiwang pamilya ng biktima.

Ayon sa nakababatang kapatid ng biktima na dati ring mamamahayag ng Manila Bulletin na si Roy Mabasa, inaasahan nila na magkakaroon na ng resulta ang imbestigayon ng pulisya sa loob ng 24 oras na ibinigay sa SPD ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Brig. Gen. Jonnel Estomo para maresolba ang kaso.

Ito ang pahayag ni Mabasa matapos makakuha ng lead ang pulisya sa footage na nakuhanan ng dashcam ng sasakyan ni Lapid.

Dagdag pa ni Mabasa, pinag-aaralan na rin ng SPD ang CCTV footage na galing naman sa barangay na nakasasakop sa lugar ng pinangyarihan para sa pagkakakilanlan ng suspect na nakasakay naman sa motorsiklo.

Base sa inisyal na reports, ang lalaki na nakita sa footage ang pinaniniwalaang bumaril at nakapatay kay Lapid.

Samantala, sinabi naman ni Las Piñas police chief Col. Jaime Santos na kanila pa ring hinihintay ang resulta ng digital forensic test na isinagawa sa cellular phone of Lapid upang matukoy ang huling nakausap ng biktima o dili kaya ay nakatanggap siya ng death threat sa mga oras na iyon.

Sinabi ni Santos na maaaring maging instrumento ang digital forensic test upang matuloy ang pagkakakilanlan ng suspect na walang awang bumaril kay Lapid nitong Lunes ng gabi.

Dagdag pa ni Santos na sila ay kasalukuyang nasa proseso ng backtracking sa CCTV footage na kanilang nakuha mula sa barangay kung saan nangyari ang insidente ng pamamaril kay Lapid. James I. Catapusan