SPD: Motoristang may dash cam, maaring tumulong sa kaso ni Lapid

SPD: Motoristang may dash cam, maaring tumulong sa kaso ni Lapid

October 10, 2022 @ 7:25 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Southern Police District (SPD) director P/Col. Kirby John Brion Kraft ang mga motoristang dumadaan sa rutang Alabang-Zapote Road na tingnan ang kanilang mga dashboard cameras na maaaring nakakuha ng maliwanag na footage ng mga riding-in-tandem suspects na bumaril at nakapatay kay broadcast journalist at commentator Percival “Percy Lapid” Mabasa nitong nakaraang Oktubre 3 ng gabi.

Sinabi ni Kraft na ang mga motorista na mayroong dash cam ang kanilang mga sasakyan ay may posibilidad na makatulong sa kaso ni Lapid na makatutukoy sa pagkakakilanlan ng mga suspects.

Ayon kay Kraft, naging mahirap para sa SPD anti-cyber crime group kanilang pagtukoy sa suspects dahil hindi nila mapalakihan ang mga video na kanilang nakalap dahil s amabilis na pagtakbo ng mga sasakyan patungong Alabang, Muntinlupa.

Kasabay nito ay hihingi na rin ng tulong ang SPD sa Highway Patrol Group (HPG) upang malaman ang motorsiklo gayundin ang numero ng plaka nito na ginamit ng mga suspects sa kanilang pagtakas matapos isagawa ang krimen.

Dagdag pa ni Kraft na sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang kanilang pagre-review sa lahat ng 18 CCTV footages na kanilang nakuha mula nang umalis si Lapid sa kanyang tahanan sa San Beda Homes patungo sa lugar bago pumasok ng gate ng BF Resort Village kung saan siya inambush at napatay.

Bagama’t hindi pa man nareresolba ang kaso ni Lapid ay nagpasalamat naman din ang kapatid ng biktima na si Roy Mabasa na isa ring mamamahayag sa pagtutok ng PNP sa imbestigasyon ng kaso ng nasawing mediaman.

Matapang na sinabi ni Mabasa na bukod sa inaasahang pag-aresto sa mga pumatay sa kanyang kapatid ay nararapat din na kilalanin ng mga awtoridad ang mastermind na nasa likod ng pag-ambush kay Lapid.

Sinabi pa ni Mabasa na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring lead ang PNP sa pakakakilanlan ng suspects gayundin ang motibo ng pagkakapatay sa kanyang kapatid.

Si Lapid ay dinala kahapon, Oktubre 9 sa kanyang huling hantungan sa Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque. James I. Catapusan