SPD nagkasa ng ‘walkthrough’ sa dinaanan ng suspek sa Lapid slay

SPD nagkasa ng ‘walkthrough’ sa dinaanan ng suspek sa Lapid slay

October 19, 2022 @ 10:15 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagkasa ng “walkthrough” ang mga awtoridad kasama ang suspek na si Joel Estorial sa mga lugar na dinaanan mismo nito at sa lugar kung saan pinagbabaril ang mamamahayag na si Percy Lapid o Percival Mabasa sa tunay na pangalan.

Maliban sa kanila, kasama rin sa walkthrough ang kapatid ni Lapid na si Roy Mabasa.

Unang pinuntahan ng mga tauhan ng Southern Police District at ni Estorial ang BF Resort Village patungo sa Lalaine Bennet Street kung saan umano nagbantay ang mga suspek.

Maliban dito, dumiretso din sila sa Sta.Cecilia Village at lumabas sa Alabang-Zapote Road.

Sa pahayag ni SPD Director Police Brig. Gen. Kirby Kraft, mismong ang kapatid ni Percy ang humiling ng walkthrough upang maikumpara ang pahayag ni Estorial sa mga kuha sa CCTV.

“Itinuro niya (suspek) po ang mga lugar kung saan sila tumambay at sinundan ang biktima. Kasama po natin ang representative ng pamilya ng biktima, ang kanyang kapatid na si Roy Mabasa,” sinabi ni Kraft.

Pinasalamatan naman ni Mabasa ang pagkakataon na ibinigay ng SPD at Las Pinas police para sa naturang walkthrough.

“Tayo ay nagpapasalamat sa kagawaran ng ating pulis sa kanilang ginagawang hindi lang imbestigasyon, ito ay magli-lead na sa mismong proper ng kaso sapagkat positively, we were able to indentify the gunman,” pasasalamat ni Mabasa.

“Naniniwala tayo na sa pakikipagtulungan nitong suspek, yung sinasabing gunman, ay magkakaroon ng resolusyon itong kasong ito at ibinahagi nga natin kanina kay PBGen. Kraft na ang resolusyon ng kasong ito ay isang napakalaking breakthrough para sa paglaban sa pamamaslang sa media,” dagdag niya.

Bagama’t bahagyang nabawasan ang pag-aalinlangan nito sa pagiging lehitimo ng isa sa mga suspek na sumuko, aminado siya na hindi pa rin ito tuluyang nakukumbinsi.

“I have to admit to you, not 100%, alam mo kung bakit, dahil may pagbabago yung tao. Nagpagupit pala hindi ko alam. Doon sa unang footage na kinuha ng PNP, medyo mahaba pa yung buhok, pero ngayon, nagpagupit pala.” RNT/JGC