Special election sa ika-7 distrito ng Kabite gaganapin sa Pebrero 2023

Special election sa ika-7 distrito ng Kabite gaganapin sa Pebrero 2023

October 13, 2022 @ 6:13 PM 2 months ago


MANIAL, Philippines- Isasagawa ang special elections sa 7th Congressional District ng Cavite para punan ang nabakanteng puwesto ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa Pebrero 2023, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Garcia nitong Huwebes.

Sinabi ni Garcia na magiging automated ang espesyal na halalan na ito para mabawasan ang gastos ng poll body. Gagamitin ng Comelec ang vote-counting machines (VCM) na ginamit noong May 2022 elections.

Aniya, ang iba pang aktibidad tulad ng filing ng candidacy ay planong gawin sa Disyembre ng taong ito.

Sinabi ni Garcia na kung isang aspirant lamang ang maghain ng certificate of candidacy, awtomatiko siyang maipo-proklama na panalo at sa gayon ay hindi matutuloy ang espesyal na halalan, na binanggit ang Republic Act 8295 o isang batas na nagtatakda para sa proklamasyon ng naging kandidato para sa anumang elective office sa isang espesyal na halalan.

“Take note, ‘pag isa lang po ang nag-file ng candidacy, we will proclaim immediately that candidate. Wala nang eleksyon,” sabi ni Garcia..

Noong Hulyo, pinagtibay ng House of Representatives ang isang resolusyon na nananawagan sa Comelec na magsagawa ng espesyal na halalan sa ika-pitong distrito ng Cavite matapos mahirang si Remulla, ang nahalal na kongresista sa nasabing lokalidad, bilang Justice secretary.

Idinagdag ni Garcia na ang Comelec ay naghahangad din na magsagawa ng dalawa pang plebisito bago matapos ang taon—isa para pagtibayin ang conversion ng munisipalidad ng Baliwag, Bulacan sa isang component city; at isa pa para pagtibayin ang pagbabago ng Lungsod ng San Jose Del Monte sa isang lubos na urbanisadong lungsod. Jocelyn Tabangcura-Domenden