Special powers pantugon sa inflation ‘di kailangan – PBBM

Special powers pantugon sa inflation ‘di kailangan – PBBM

March 1, 2023 @ 11:39 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – WALANG nakikitang dahilan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para hiritan ang Kongreso ng special powers para tugunan ang inflation.

Kumpiyansang sinabi nito na sinimulan na ng kanyang administrasyon ang interbensyon para pagaanin ang nakapanghihinang epekto ng inflation.

Sa isang chance interview sa Pangulo matapos ang idinaos na paglulunsad ng Hapag Kay PBBM (HAlina’t Magtanim ng Prutas At Gulay sa Barangay Project/ Kadiwa Ay Yaman/ Plants for Bountiful Barangays Movement) sa Open Air Auditorium sa Rizal Park, Manila ay sinabi nito na “I do not think that it is necessary to ask for special powers. If we declare, for example, if we can declare… I have already the power to declare an emergency and to control the prices of commodities. So I don’t think there is any need for more than that, that is sufficient.”

Nauna namang nagpahayag ng kumpiyansa ang Pangulo na sa kalaunan ay bababa ang inflation rate partikular na sa presyo ng langis at imported agricultural products sa kabila ng tumaas ang inflation ng 8.7% nito lamang Enero 2023.

Dahil dito, pinaigting ng pamahalaan ang pagsisikap nito na pagaanin ang epekto ng inflation, ayon sa Pangulo.

Tinukoy ng Punong Ehekutibo ang paglulunsad ng urban agriculture initiatives na naglalayong “improve sustainable food practices” sa barangay level.

“The other elements of inflation hindi natin masyadong ma-control, kaya mayroon tayong ginagawang ganito para makabawi naman doon sa pagtaas ng presyo,” ayon sa Chief Executive.

Samantala, sinabi naman ng National Economic and Development Authority (NEDA) na kinilala na ng administrasyon ang mga hakbang para mapanatiling “consistent” ang galaw ng presyo ng mga pagkain sa inflation at food security objectives, na may mataas na “agricultural productivity, food supply augmentation at energy security” na nakikitang prayoridad para pakalmahin ang tumaas na “uprice pressures.” Kris Jose