Special satellite registration para sa mga detainee voters

Special satellite registration para sa mga detainee voters

August 8, 2018 @ 3:07 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Magsasagawa ang pamunuan ng Commission on Elections (COMELEC) ng special satellite registration para sa mga detainee voters sa bansa.

Ito ay upang matiyak na kahit nakapiit sa iba’t ibang kaso ay hindi pa rin mapagkakaitan ang mga ito ng karapatang makaboto para sa nalalapit na National and Local Elections (NLE) sa bansa na nakatakdang idaos sa Mayo 13, 2019.

Ayon sa COMELEC, una silang magdaraos ng special offsite registration for detainees sa Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City.

Ang CIW ay tanging penal institution sa bansa na ekslusibo para sa mga women offenders.

“Efforts to register more women voters is part of the Commission’s aim to be more inclusive, which we try to achieve by reaching out to and giving preference to members of vulnerable sectors,” ayon kay COMELEC Commissioner Ma. Rowena Amelia Guanzon, na siyang commissioner-in-charge para sa Committee on Detainee Voting at siya ring head ng Gender and Development-Focal Point System (GAD-FPS) Executive Committee.

Matatandaang ang sistema nang nagpapatuloy na registration of voters ay sinimulan noong Hulyo 2, 2018, at inaasahang magtatagal hanggang sa Setyembre 29, 2018. (Macs Borja)