Special telethon ikakasa ng Caritas sa mga biktima ng bagyong Paeng

Special telethon ikakasa ng Caritas sa mga biktima ng bagyong Paeng

November 6, 2022 @ 1:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Magsasagawa ng special telethon ang Caritas Manila para sa biktima ng bagyong Paeng.

Katuwang ng Radio Veritas at Archdiocese of Cotabato patuloy ang pag-agapay ng Caritas Manila sa mga naapektuhan ng bagyo sa ibat-ibang mga lalawigan.

Ilang mga pamilya sa Maguindanao ang binigyan na ng tulong sa pagtutulungan ng nasabing Arkidiyosesis, Caritas Manila at Coca- Cola Foundation kung saan P500 libong piso ang agad na ibinahagi para sa lalawigan ng Maguindanao at Cotabato.

Ayon kay Rev. Fr. Clifford Baira, Social Action Director ng Archdiocese of Cotabato, malaking tulong ang ipinadala ng Caritas Manila at Coca cola Foundation para maibsan ang kagyat na pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo.

Hindi naging balakid sa grupo ni Fr., Baira ang mahirap na daan at layo ng mga baryo kung saan naghatid sila ng nasa 500 food bags sa bayan ng North at South Upi ganun na din sa Datu Piang, Maguindanao.

“Nasa biyahe po kami ngayon kahapon nasa North Upi Maguindanao kami papasok naman kami sa South Upi. We gave almost 200 bags [kahapon] then 300 bags for today in other areas. South Upi and Datu Piang” bahagi ng mensahe ni Fr. Baira habang tumutungo sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo sa Mindanao.

Una na ring nagpadala ng tulong ang Caritas Manila para sa mga lalawigan ng Capiz, Antique at Aklan na labis din ang mga pagbaha dahil sa bagyong Paeng.

Tinatayang umabot sa mahigit P1.7 Milyong piso na ang paunang tulong ng social arm ng Archdiocese of Manila para sa may anim na Diyosesis o pitong lalawigan na pinaka-naapektuhan ng bagyong Paeng.

Dahil dito magsasagawa ng Special Telethon ang Caritas Manila katuwang ang Radyo Veritas sa araw ng lunes, ika-7 ng Nobyembre upang palakasin pa ang kagustuhan nito na makatulong sa mga biktima ng bagyo.

Gaganapin ang Telethon mula alas siyete ng umaga hanggang alas dos ng hapon sa himpapawid ng Radio Veritas 846 khz habang ipagpapatuloy naman ito online sa Facebook page na DZRV 846 at Caritas Manila Inc. mula alas dos ng hapon hanggang alas sais ng gabi.

Pangungunahan ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Rev. Fr. Anton CT Pascual ang isasagawang Telethon kung saan mapapakingan at mapapapanood din ang mga kinatawan ng iba’t-ibang Diyosesis ng naapektuhan ng bagyo.

Sinabi ng pari na ibubuhos ang lahat makakalap na donasyon sa nasabing Telethon para sa  mas malawak na pagtugon ng Caritas Manila sa relief and recovery programs sa mga apektadong lalawigan.

Para sa nais magbahagi ng tulong, maaring tumawag sa Caritas Manila hotline number 8562 4269 o sa mobile number na 0905 428 5001 at 0967 276 4806. Jocelyn Tabangcura-Domenden