Special vaccination days, tuloy hanggang Abril – DOH

Special vaccination days, tuloy hanggang Abril – DOH

April 3, 2022 @ 12:54 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Tuloy ang pagsasagawa ng gobyerno ng targeted special vaccination days ngayong Abril para mapabilis pa ang pagbabakuna sa mga lugar na nananatiling mababa ang vaccination coverage.

Ayon kay DOH Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Dr. Myrna Cabotaje, ang special vaccination days ay “variant” ng “Bayanihan, Bakunahan” kung saan prayoridad ang mga lugar na nangangailangan ng “special help” sa pagbabakuna.

“Ang gagawin in April, titignan na talaga kung sino mga areas ang kailangan ng espesyal na tulong para ‘yung mga kalapit rehiyon o kalapit na probinsiya ay makatulong sa mga siyudad na medyo mahina ang kanilang bakunahan,” ani Cabotaje.

Noong Marso 29 hanggang 31, nang ikasa ang special vaccination days sa Cebu Province, Davao Region, at Cotabato City habang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay mula Marso 30 hanggang April 1.

Sa ngayon, hamon pa rin ang pagbabakuna sa BARMM kung saan 26% pa lamang ng 940,000 target population nito ang fully vaccinated.

Mula ito sa 3.5 milyong indibidwal na kumukumpleto sa kanilang primary vaccine series.

Base sa datos ng DOH, nasa 65.8 milyong Pilipino na ang nakakumpleto sa bakuna hanggang noong March 30.

Target ng gobyerno na makakumpleto sa bakuna ang 90 milyong Pilipino bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30. RNT/ JCM