Special vax week kasado sa Sept. 26-30

Special vax week kasado sa Sept. 26-30

September 6, 2022 @ 8:17 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Ikakasa ng gobyerno ng Pilipinas ang special vaccination week kontra COVID-19 sa Setyembre 26-30.

Target ng gobyerno na makapagbakuna ng hindi bababa sa 5 milyong mga booster shot, ayon sa Department of Health.

Sinabi in DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, sabay-sabay na isasagawa ang inoculation sa buong bansa, na tututukan ang mga rehiyon na mababa ang saklaw ng bakuna.

“We have computed na kung tayo po ay magkakaroon ng intensive effort during this campaign, we can able to achieve at least 5 million to 21 million,” anang DOH-OIC.

Nakikipag-usap na ang DOH sa mga lokal na pamahalaan, medical society at stakeholders para sa special week ng pagbabakuna.

Inilunsad ng Pilipinas ang kanilang programa sa pagbabakuna laban sa coronavirus noong Marso 2021, higit sa isang taon mula nang maitala ang una nitong kaso ng COVID-19.

Noong Hulyo 26 ngayong taon, inilunsad ng gobyerno ang “PinasLakas,” na may pag-asang makapagbigay ng 23 milyong shot bago ang Oktubre 8 o sa loob ng unang 100 araw ng administrasyong Marcos.

Sa ngayon, mahigit 2.25 milyon sa 23 milyong karapat-dapat na tao ang nakatanggap ng unang booster shot, at 26,6268 na senior citizen lamang sa 1.07 milyong target ang nabakunahan sa ilalim ng kampanyang “PinasLakas”.

Sa kabuuan, higit sa 72.6 milyong katao sa bansa ang ganap na nabakunahan laban sa COVID-19. Sa tally, 18.2 milyon ang nakatanggap ng kanilang unang booster dose habang 2.3 milyon ang nakakuha ng kanilang pangalawang booster shot. RNT