SPECIALTY HOSPITALS SA IBANG MGA LUGAR

SPECIALTY HOSPITALS SA IBANG MGA LUGAR

July 27, 2022 @ 1:53 PM 3 weeks ago


ISA sa mga pinakamahalagang mensahe ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang pagtatayo ng mga specialty hospital sa ibang mga lugar at hindi lang sa Metro Manila.

Kabilang sa mga nasabing uri ng ospital ang  Philippine Heart Center (PHC), Lung Center of the Philippines (LCP), National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Philippine Children’s Medical Center (PCMC), at Philippine Orthopedic Center (POC).

Alam naman ng lahat na para sa mga may sakit sa puso ang ginagamot sa PHC.

Gayundin na para sa mga maysakit sa kidney o bato ang NKTI, sakit sa baga ang LCP, sakit sa mga bata ang PCMC at sakit sa buto ang POC.

Dito matatagpuan ang mga magaganda at makabagong gamit laban sa mga nasabing sakit, gayundin ang mga magaling na doktor, nars at iba pa.

Kung matatayuan lang ng specialty hospitals ang Visayas, Mindanao at North Luzon, malaking ginhawa ito sa mga residenteng maysakit sa nasabing mga bahagi ng bansa.

Hindi na sila gagastos pa ng napakalalaking pamasahe sa barko, eroplano at bus o malaking gastos sa mga produktong petrolyo kung gagamit sila ng sarili nilang mga sasakyan o malaki ring gastos sa paninirahan.

MALALAKI PANG PROBLEMA

Bagama’t makaaasa ang mga pasyente ng maayos na panggagamot sa nasabing mga ospital dahil matatagpuan dito ang mga ispesyalista, may ibang malalaking problema pa rin na nagiging pabigat sa mga pasyente, lalo na sa mahihirap.

Kabilang na rito ang daan-daang hanggang milyon-milyong pisong gastusin sa mga operasyon at iba pa.

At alam ba ninyo ang nagpapalaki nang todo sa pagpapaospital sa mga ito?

Ang professional fees gaya ng doctor’s fee.

Paano?

ISANG EHEMPLO

May isang batang babae na nagkasakit sa mga ugat sa kanyang isang binti at naging dahilan ito ng maling pagdaloy ng mga dugo mula sa kanyang puso.

Ang alam ng mga doktor, mayaman ang pamilya ng bata kaya nagkaroon ng kanya-kanyang papel ang ilang doktor gaya ng pagtingin sa kanyang puso, sa kanyang pagiging bata, sa kanyang dugo, sa kanyang mga ugat at sa pag-iiniksyon ng pampamanhid.

Anak ng tokwa, pare-pareho palang gustong maningil ng minimum na P100,000 bawat isa.

Nang magdeklara ang mga magulang na mga public school teacher sila, biglang naging patakaran na tatawagan na lang ang pasyente at mga magulang nito.

Lumipas ang 1, 2, 3 taon, walang tawag ang mga doktor kahit may follow-up ang mga magulang at sagot ng mga doktor, busy sila.

Resulta? Nabulok ang paa ng bata kaya pinaputol na lamang sa ibang mga doktor sa ibang ospital sa lalawigan.

MGA GAHAMAN, MAPAGSAMANTALA SIBAKIN

Mula sa tunay na karanasan ng bata, dapat kasama sa pagtatayo ng mga nasabing ospital ang pagharang sa mga gahaman na doktor o ispesyalista o pagsibak sa kanila sa pagsasamantala sa kanilang mga pasyente.

Hindi katanggap-tanggap na ginagawa nilang gatasan ang mga pasyente at kung wala silang mapapala na malaking salapi, basta na lang nila binibitiwan ang mga maysakit at hahayaang mamatay o mapinsala nang lubos gaya ng nangyari sa naputulan ng paa na ngayo’y isa nang dalaga.