SPED center kada rehiyon, itinutulak ni Gatchalian

SPED center kada rehiyon, itinutulak ni Gatchalian

November 16, 2022 @ 11:52 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Iminungkahi ni Senador Win Gatchalian na itaas sa P160 milyon mula sa P96 milyon ang pondo para sa capital outlay ng Department of Education (DepEd) para sa Special Education (SPED) upang matiyak na may modelong Inclusive Learn ing Resource Center sa bawat rehiyon .

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian nakalaan ang P96 milyon sa pagpapatayo ng 16 SPED Centers . na maghatid ng libreng support services, kabilang ang language at speech therapy, occupational therapy, physical at physiotherapy, at iba pang serbisyo at hakbang na makatutulong na matuto ang mag-aaral na may kapansanan.

“Taos-puso kong inirerekomenda ang dagdag pondo sa capital outlay ng DepEd para sa SPED upang makapag-convert tayo ng SPED center sa bawat rehiyon, at magkaroon tayo ng modelong ILRC kada rehiyon,” ani Gatchalian, sa kanyang interpellation sa panukalang pondo ng DepEd para sa taong 2023.

Dagdag ng senador, magrerekomenda siya sa Senate Committee on Finance ng kanyang mungkahing pagkukunan ng pondo.

Para kay Gatchalian, ang paglalaan ng pondo para sa SPED ay sang-ayon sa pagsasabatas ng Republic Act No. 11650 o ang “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act.” Si Gatchalian ang nag-sponsor ng naturang batas noong 18th Congress.

Mandato ng batas sa DepEd na makipag-ugnayan sa mga local government units upang makapagpatayo ng ILRC kada lungsod at munisipalidad sa bansa. Nakasaad din sa batas na lahat ng mga center para sa kabataang may kapansanan ay gagawin nang ILRC.

Muling binigyang diin ni Gatchalian ang pagbibigay ng suporta para sa mga mag-aaral na may kapansanan, lalo na’t kasama sila sa mga pinaka-apektado ng pandemya ng COVID-19. Batay sa datos ng DepEd noong Marso 14, 2022, may 126,598 na mga mag-aaral na may kapansanan ang nag-enroll sa mga DepEd schools para sa School Year (SY) 2021-2022. Ito ay mas mababa ng 65 porsyento sa 360,879 na naitala para sa School Year 2019-2020. Ernie Reyes