Spence ‘di uubra sa bilis ni Pacquiao

Spence ‘di uubra sa bilis ni Pacquiao

May 29, 2021 @ 8:08 AM 2 years ago


MANILA, Philippines – Aminado si ex-world champion Roberto Guerrero at dating sparring partner ni Filipino boxing champion Manny Pacquiao na nahaharap ito sa matinding laban kontra kay undefeated fighter Errol Spence Jr.

Ayon kay Guerrero, hindi nawawala ang kanyang paghanga kay eight division world champion Pacquiao dahil sa kanyang edad ay napanatili nito ang bilis at lakas ng kanyang kamao.

Hinimok ni  Guerrero ang boxing fans na abangan ang matinding bakbakan ng magagaling na boksingero sa Agosto na maaaring hiranging Fight of the Year.

Pinayuhan pa ni  Guererro si Pacquiao na huwag kalilimutan ang kanyang ginagawa noon at ito ay ang pagiging mabilis sa pagsagupa niya kay Spence.

“Hindi dapat maliitin ni Spence si Pacquiao dahil kahit na lagpas 40 na ang edad nito ay parang 20-anyos kung makipagsabayan sa mas batang boksingero,” hirit  ni Guererro.

Matatandaang naging sparring partner ni Pacquiao si Guerrero noong mid-2000 habang ito ay nasa featherweight category pa lamang.

Inihalimbawa ni Guerrero ang naging laban ni Pacquiao kay Keith Thurman na mas matangkad na boksingero subalit hindi ito nakaporma. Rico Navarro