Sports car driver na pumasok sa EDSA carousel isnab sa patawag ng LTO

Sports car driver na pumasok sa EDSA carousel isnab sa patawag ng LTO

October 25, 2022 @ 9:33 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inisnab ng motorista na nagmaneho umano ng sports car sa kahabaan ng EDSA bus lane noong nakaraang linggo ang ipinalabas na summon ng Land Transportation Office (LTO).

Anang LTO na hindi sumipot sa kanilang opisina ang pinatawag na drayber matapos na magpalabas ang ahensya ng show cause order.

Sakaling hindi na muling sumipot ang driver, sinabi ni LTO Intelligence and Investigation Division chief Renan Militante na wala silang magagawa kundi resolbahin ang insidente at patawan ang drayber base sa kasalukuyang ebidensya.

Giit niya na hindi nila kukunsintihin ang pagpasok ng mga sports car at iba pang sasakyan sa busway dahil dapat lamang itong gamitin sa mga bus at emergency purposes.

“Hindi dapat tayo nandoon. ‘Yun po ay para lamang sa ating mga PNP, ating ambulansya. ‘Yun po ang primary na dapat dumaan po d’un,” aniya pa.

Kilala na ng LTO ang pangalan ng motorista pero hindi nila ito isasapubliko batay na rin sa Data Privacy Act. RNT