Spy cam porn sa mga pampublikong banyo sa SoKor, lalabanan!

Spy cam porn sa mga pampublikong banyo sa SoKor, lalabanan!

August 8, 2018 @ 10:52 AM 5 years ago


 

Seoul – Regular nang babantayan ang mga pampublikong banyo sa lahat ng transportation hub sa South Korea, kabilang na ang airport, bus terminal, metro at train station, upang maiwasan ang mga nakatagong camera na nakakabit sa mga public toilet pati na ang spy cam pornography sa bansa, ayon sa anunsyo ng gobyerno noong Linggo.

Kilala ang spy cam pornography sa South Korea bilang ‘molka’ na tumutukoy sa sikretong pagkuha ng mga bastos na videos at litrato ng mga babae sa pampublikong lugar kabilang na ang mga banyo, subway at iba pa.

Ang mga video na ito ay ginagawa at ina-upload online ng mga ex-boyfriend ng mga biktima upang makasira sa trabaho ng babae at iba pang kadahilanan.

Ang utos na ito ng gobyerno ay tugon sa ika-apat na edisyon ng rights rally ng mga babae laban sa spy cam pornography na isinagawa malapit sa presidential office sa central Seoul noong Sabado.

Dinaluhan ito ng 70,000 indibidwal, ayon sa mga organizer ng rally.

Isinagawa ang unang edisyon ng rally noong May kung saan ito ay nakapagtalaga ng pinakamalawak at pinakalaking women’s movement sa kasaysayan ng South Korea.

Ayon sa datos na ipinakita ng gobyerno, 24% ng lahat ng krimen na konektado sa spy cam ay naitala sa mga transportation sites kabilang na ang mga public restroom, matataong lugar gaya ng metro station at iba pa.

Ipinakita rin sa datos ang pagtaas ng mga krimen tungkol sa mga secret camera simula noong 2010, mula 2,400 noong 2012 naging 6,465 noong 2017.

Sa kautusan ng gobyerno, required ang lahat ng ng Koreano na nagpapatakbo ng transportation site na magtalaga ng special team upang mag-monitor sa kanilang nasasakupan, kabilang na ang mga public restroom at pag-inspeksyon para sa mga tinagong camera, isang beses o higit pa sa isang araw. Ang public bathroom na tapos nang mainspeksyon at patuloy na namo-monitor ay itatalagang “clean zone.”

Pagmumultahin naman ang mga hindi susunod sa panuntunan, dagdag pa nila.

Maglalagay rin ang gobyerno ng mga educational poster na nagsasabing, “Illicit filming of others is a crime. So is watching the footage online” sa nasa 1,000 institusyon para sa ipaglaban ang kapakanan ng mga babae at kabataan pati na sa 254 police station sa buong bansa.

“We are trying to emphasize that it is also illegal to download and watch such contents online, on top of filming and posting the so-called ‘spy cam porn,’” sabi ng isang opisyal mula sa Gender Equality Ministry. Remate News Team