SSS MAY ALOK NA “CALAMITY LOAN” SA MGA APEKTADO NG TYPHOON PAENG

SSS MAY ALOK NA “CALAMITY LOAN” SA MGA APEKTADO NG TYPHOON PAENG

November 8, 2022 @ 11:04 AM 3 weeks ago


MULING binubuksan ng Social Security System (SSS) ang aplikasyon para sa Calamity Loan Assistance Program (CLAP) nito para sa mga eligible members na naapektuhan ng pananalasa ni Typhoon Paeng sa malaking bahagi ng bansa bago ang obserbasyon ng UNDAS 2022.

 Sa datus ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 78 na mga lalawigan, 879 na mga lungsod at bayan, at 9,481 Barangays ang naapektuhan ng bagyo. Umabot sa 1.26 milyong pamilya ang apektado o katumbas ng 4.62 milyong indibidwal. 

Dahil halos lahat ng 17 rehiyon ng bansa ay apektado ni Typhoon Paeng, nauna ng inirekomenda ng NDRRMC ang deklarasyon ng isang National State of Calamity, pero ang pinayagan lamang ni President Ferdinand “BBM” Marcos ay ang mga rehiyon ng CALABARZON, Bicolandia, Western Visayas, at Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao (BARMM) alinsunod sa Presidential Proclamation No. 84 sa loob ng anim na buwan.  

Maliban sa CLAP, mayroon ding three-month advance pay sa mga pensioners.

Ayon parin sa NDRRMC, mayroon ng 160 na mga lungsod at bayan na nagdeklara ng hiwalay na “State of Calamity” sa kani-kanilang mga hurisdiksyon.

Maaaring makatanggap ng katumbas sa isang buwang salary credit ang isang miyembro na maaari niyang bayaran sa loob ng 24 buwan. Kinakailangan lamang na mayroon siyang 36 monthly contributions na ang anim sa mga ito ay dapat naihulog ang pagkakaroon ng kalamidad o paninirahan sa apektadong lugar.

Kaya ang inyong Agarang Serbisyo Lady ay palaging nagpapaalala sa inyo na regular na maghulog ng inyong SSS contribution para sa panahon ng pangangailangan ay mayroon kayong magagamit lalo pa nga’t papatindi ng papatindi ang nararanasan nating mga bagyo dulot ng epekto ng climate change.

Patuloy ninyong subaybayan ang ating tuwing Martes na “Usapang SSS” sa ating programang Health & Travel @ Serbisyo Publiko sa DWBL 1242 AM Band at mayroong live streaming sa Facebook at YouTube channel ng DWBL at maging sa Hilda Ong at TV Radio Hilda Ong accounts.