SSS “MEMBERSHIP DAY”, NAGING MATAGUMPAY

SSS “MEMBERSHIP DAY”, NAGING MATAGUMPAY

September 27, 2022 @ 12:38 PM 2 months ago


MATAPOS ang dalawang taong pagkakahinto sanhi ng coronavirus disease 2019 ay muli na namang nakapagsagawa ng “Membership Day” ang Social Security System (SSS) nitong nagdaang September 16, sa Marikina Sports Center.

 Ang araw ay napuno ng kasiyahan, kaalaman, kainan, papremyo at umulan ng freebies mula sa mga sumuportang produkto katulad ng Rhodesian Sales Corporation na siyang namamahala sa distribution ng Guyasteen coffee, Tai chi products, at Doogie’s shampoo sa buong bansa.

Personal na dumalo si SSS president / chief executive officer Michael Regino sa nasabing aktibidad kung saan sa kanyang mensahe ay pinaalalahanan niya ang mga miyembro na pakaingatan ang kanilang kalusugan para mas humaba pa ang kanilang buhay at magkaroon ng pagkakataon na ma-enjoy ang mga pension benefits mula sa state-run insurance corporation pagdating nila ng pagreretiro sa edad na 60 o hanggang 65.

Nagsagawa naman ng isang minor surgery, medical consultation and dental services ang Philippine Coast Guard at ang PCGA Executive Squadron kasama ang Manila Chinese Action Team (MCAT) sa pangunguna ni auxiliary rear admiral Dr. Robert Sy, auxiliary commodore Edwin Fan, at ang inyong Agarang Serbisyo Lady na isa ring auxiliary rear admiral. Habang naghatid naman ng masiglang awitin ang PCG Combo Band.

Naglagay din ng desk assistance ang SSS para sa mga katanungan at iba pang pangangailangan ng mga dumalong miyembro at maging sa interesadong maging kabahagi ng SSS.

Ang inyong lingkod naman ay nagbigay ng health talk ukol sa pag-iwas na tumaba ngayong Kapaskuhan na naman o ang tungkol sa pagiging overweight at obesity. Batay kasi sa pag-aaral, mula isa hanggang dalawang pounds ang nadadagdag na bigat sa bawat kainang pinupuntahan ngayong “ber months” kaya naman hindi naiiwasan ang pagbigat ng timbang.

Nagiging malaking banta sa kalusugan ang pagiging overweight o obese na ayon sa Department of Science and Technology – Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), tatlo sa bawat sampung Pilipino ay apektado na. Nagdudulot ito ng heart diseases, diabetes mellitus type 2, musculoskeletal disorders katulad ng osteoarthritis, at maaaring cancer sa endometrial, breast, ovarian, prostate, liver, gallbladder, kidney, at colon.

Kaya mahalagang bantayan natin ang ating kinakain at sabayan ng ehersisyo o mga physical activities katulad ng walking, running, at jogging kahit mga 30 minutes o hanggang isang oras bawat araw. Kapag ginawa natin ito, mas hahaba ang ating buhay. 

Nagpapahatid ng taus-pusong pasasalamat ang pamunuan ng SSS kina Marikina city mayor Marcelino Teodoro, first district congresswoman Marjorie Ann Teodoro, PCG admiral / commandant Artemio M Abu, PCG Medical and Dental, sa mga kasama ng inyong lingkod sa PCGA Executive Squadron, at sa iba pang nakibahagi sa nasabing natatanging araw para sa mga miyembro.

Ang naganap na membership day ay bahagi ng 65th founding anniversary ng SSS ngayon taon na may temang “SSS @ 65: Kontribusyong Pinag-ipunan, Proteksyong Maaasahan.”