Staff members ng US senator, bumisita kay De Lima sa piitan

Staff members ng US senator, bumisita kay De Lima sa piitan

December 1, 2022 @ 4:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Binisita ng staff members ng isang American senator nitong Huwebes si dating Senator Leila de Lima sa kanyang quarters sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center.

Inihayag ng PNP Public Information Office na binisita si de Lima, na nasa ilalim ng PNP custody, ni Chris Homan, senior adviser on national security and foreign policy ni US Democrat Senator Dick Durbin, at tatlo pa kasama ang US Embassy personnel bandang alas-9:40 ng umaga nitong Huwebes.

Pinayagan ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branches 204 at 256 ang pagbisita sa koordinasyon ng US Embassy sa Manila at ng PNP.

Inaprubahan ni PNP acting chief of directorial staff Maj. Gen. Michael John Dubria ang pagbisita matapos makasunod sa lahat ng rekisitos at security protocols.

Tinanggap ang visiting team sa Chief PNP’s Lounge at PNP Grandstand para sa briefing at dokumentasyon na sinundan ng frisking at depositing ng personal items bago papasukin sa PNP Custodial Center.

Ibinahagi sa kanila ni Lt. Col. Larry Gabion, Chief of Custodial Center, ang security measures sa pasilidad kasunod ng tangkang pagtakas na ikinamatay ng tatlong nakakulong na miyembro ng Abu Sayyaf Group na nagbanta sa buhay ni de Lima noong Oktubre 9.

Ipinagbigay-alam din kay Homan na ang ang kalusugan ni de Lima ay regular na mino-monitor ng mga doktor ng PNP.

Inihayag din sa team ang personal na desisyon ni de Lima na manatili sa pasilidad sa kabila ng alok na ilipar sa detention facility.

Nakahiwalay si de Lima ng quarters kung saan mayroon siyang sariling basic furniture at fixtures.

Natapos ang pagbisita bandang alas-10:20 ng umaga.

Nakaditine si De Lima sa PNP Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon City mula Pebrero 2017.

Nahaharap siya sa drug-related charges para sa umano’y papel sa drug proliferation sa loob ng national penitentiary nang siya ay justice secretary sa termino ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Ibinasura na ang isa sa tatlong drug cases laban kay de Lima noong Pebrero 2021, habang pending pa ang dalawa sa korte. RNT/SA