Standard fees sa driving school isusulong ng LTO

Standard fees sa driving school isusulong ng LTO

March 10, 2023 @ 4:02 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaayos na ng Land Transportation Office (LTO) ang mga hakbang upang maresolba ang problema ng mga kumukuha ng kanilang drivers license partikular ang singil sa mga driving school.

Sa Balitaan sa Tinapayan, sinabi ni LTO Chief Asec. Jay Art Tugade na nakumpleto na ng binuo niyang komite ang pagsusuri sa mga panuntunan ng ahensya kaugnay sa accreditation ng mga driving schools.

Sinabi ni Tugade na magkakaroon na lamang sila ng Consultative Meeting para ilatag ng LTO ang mga rekomendasyon sa isyu ng pagsasailalim sa driving schools ng mga indibidwal na nais kumuha ng lisensiya.

Nabatid na una nang inirereklamo ang mataas na singil sa pagkuha ng lisensiya kung saan umaabot ng hanggang P15,000 hanggang P18,000 ang magagastos.

Dagdag pa ni Tugade, sakaling magkasundo ang LTO at stakeholders ay magkakaroon na ng standard fees na sisingilin ng mga driving schools sa bansa.

Matatandaan na isang technical working group (TWG) ang pinabuo ni Tugade nang maupo ito sa tungkulin noong Nobyembre upang muling mapag-aralan ang mga panuntunan hinggil sa operasyon at sinisingil ng mga driving school kasama na ang medical clinic. Jocelyn Tabangcura-Domenden