Starlink ni Elon Musk, nasa Pinas na!

Starlink ni Elon Musk, nasa Pinas na!

February 22, 2023 @ 4:15 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines -Inanunsyo ng SpaceX, pag-aari ni American tech billionaire Elon Musk, nitong Miyerkules, Pebrero 22 na available na sa Pilipinas ang Low Earth Orbit (LEO) satellite internet service nito.

“Available na ngayon ang Starlink sa Pilipinas,” pahayag ng SpaceX sa isang Twitter post.

Batay sa “Order Starlink” page sa website ng Starlink, isa ang Pilipinas sa mga bansang mayroon nang serbisyo ng LEO internet.

Nito lamang buwan, sinabi ng Data Lake – isang data company na pinangungunahan ni tycoon Henry Sy Jr. na pinabibilis na nito ang pagpasok ng Starlink sa Pilipinas sa unang tatlong buwan ng 2023.

Ayon sa Data Lake, ito ang kauna-unahang Starlink integrator sa bansa.

Kamakailan ay sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Assistant Secretary Philip Varilla na naurong sa kalagitnaan ng 2023 ang launching ng Starlink sa bansa.

Noong Hulyo, 2022 ay inanunsyo na ilulunsad ng Starlink Internet Services Philippines, wholly-owned subsidiary ng SpaceX ni Elon Musk ang Low Earth Orbit (LEO) satellite internet services nito sa Pilipinas noon pa sanang Disyembre.

Sa pahayag, sinabi ng Data Lake na ang delay sa produksyon at deployment ng LEO satellites ang dahilan kung bakit naurong ang inisyal na pagsisimula ng serbisyo nito sa bansa.

Layon ng Starlink na makapagbigay ng high-speed broadband internet sa mga users nito kabilang ang mga liblib na lugar, dahil nakaposisyon ito sa low-Earth orbit (LEO) kaysa sa conventional at mas magastos na underground fiber optic cables.

Plano ng Starlink na mag-alok ng serbisyo nito sa mga customers sa bansa sa inisyal na $599 per satellite unit at connectivity service na $99 kada buwan, sa download speed na 200 Mbps.

Ayon sa Department of Trade and Industry, ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Southeast Asia na nagkaroon ng teknolohiya ng Starlink. RNT/JGC