State of calamity declaration… PAG-AMYENDA SA RA 10121 SUPORTADO NI BONG GO

State of calamity declaration… PAG-AMYENDA SA RA 10121 SUPORTADO NI BONG GO

January 13, 2022 @ 3:00 PM 7 months ago


Manila, Philippines – Nagpahayag ng pagsuporta si Senator Christopher “Bong” Go sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na amyendahan ang Republic Act No. 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.

Ayon kay Go, gawin dapat na mas akma ang sistema sa bansa sa mga hamon ng makabagong panahon at sa mga dagdag na pangangailangan ng mamamayan, katulad ng agarang rescue, relief and rehabilitation.

“Dapat, one-step ahead tayo sa gobyerno dahil hindi natin alam kung kailan magkakaroon ulit ng mga krisis at sakuna katulad ng hinaharap natin ngayon,” ani Go.

Sa ilalim ng RA 10121, walang konsepto ng anticipatory action at mas maagang pagdedeklara ng state of calamity bago ang aktuwal na pinsala ng iba’t ibang kalamidad.

Nauna nang inilarawan ni Pangulong Duterte ang kasalukuyang batas bilang isang legal na hadlang na pumipigil sa mabilis na pagkilos ng gobyerno.

Sinabi ni Go na siya ay kumonsulta sa mga kinauukulang awtoridad upang magmungkahi ng isang panukalang maaaring mag-amyendahan sa batas na ito at mapabilis ang proseso ng pagdedeklara ng state of calamity sa mga lugar na lubhang apektado, kung kinakailangan, sa pamamagitan ng masusing pagtatasa ng pinsala bago ang isang deklarasyon.

Ito, aniya, ay magpapabilis sa pagpapalabas ng mga kinakailangang pondo ng publiko para sa pagtugon sa kalamidad.

“Bukod sa kasalukuyang pagsisikap para makontrol ang pagkalat ng virus, nananatili pa rin akong nakikipag-ugnayan sa paghahanda ng bansa sa mga posibleng krisis na ating madadaanan sa darating,” tiniyak ni Go.

Sa Talk to the People noong Lunes, Enero 10, ipinunto ni Duterte ang mga kapintasan ng RA 10121 pagdating sa pagharap sa mga kalamidad.

Ang batas, ayon sa Pangulo, ay nagsasaad na ang deklarasyon ng state of calamity ay maaari lamang gawin, gayundin ang paglabas ng pondo, pagkatapos ng pagsasagawa ng damage assessment at needs analysis, na nag-aantala sa tugon ng gobyerno.

“Sana maitama natin ang mga bagay na ito bago tayo lumabas,” sabi ni Duterte, habang hiniling niya kay Senator Go na tingnan ang usapin at pangunahan ang mga pagsisikap na ituwid ang umiiral na batas bago matapos ang kanyang termino.

“Maaari tayong magmungkahi ng ganito…’yung mga (ilang) corrective measures sa batas (sa batas). Kasi the next time na wala na tayo (So when we are no longer here), at least ‘yung (the) next administration would be in a position to deal with the problem faster and more sensible,” ayon sa Pangulo.

Sa kanyang panig, sinabi ni Go na sinusuportahan niya ang panawagan ng Pangulo na pagbutihin ang umiiral na mga mekanismo upang ang susunod na administrasyon ay maagap na makayanan ang mga kalamidad at iba pang natural na kalamidad.

“Hinihikayat ko rin po ang mga kasamahan ko sa Kongreso na suportahan ang hangarin nating lahat na mapabuti ang resulta ng pagresponde ng gobyerno sa mga kalamidad,” dagdag ni Go.

Naunang inihain ni Go ang Senate Bill No. 205, o mas kilala bilang Department of Disaster Resilience Act, na naglalayong lumikha ng isang highly specialized na ahensya na may malinaw na command at may katungkulan sa pagtiyak ng adaptive, disaster-resilient at ligtas na mga komunidad.

“Ang Department of Disaster Resilience ang magko-coordinate sa national at local governments para ‘pag dumating ang bagyo, naka-prepare na ang mga kinakailangan. Kapag nandiyan na ito, alam na kung saang ligtas na lugar dadalhin ang mga kababayan natin. Ang departamento rin ang mamumuno sa rehabilitation at recovery efforts. Back to normalcy agad ang target natin ‘pag may nasasalanta,” paliwanag ni Go.###