State of calamity, idineklara sa Muntinlupa

State of calamity, idineklara sa Muntinlupa

November 1, 2022 @ 10:30 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Ipinasa ng Sangguniang Panglungsod ng Muntinlupa ang isang resolusyon na naglalagay sa lungsod sa ilalim ng state of calamity dahil sa idinulot na matinding pinsala ng nagdaang bagyo na si “Paeng”.

Sinabi ni majority floor leader Councilor Raul Corro, ang mga miyembro ng City Council ay nagsagawa ng emergency special session upang talakayin ang naturang resolusyon.

“We just passed resolution this afternoon [Oct. 31] in an emergency special session declaring Muntinlupa City as in a state of calamity due to typhoon Paeng and authorized the Mayor to utilize the 30% Quick Response Fund of the Local Disaster Risk Reduction and Management Fund for relief operations and repair and rehabilitation of infrastructure and properties damaged by said typhoon,” ani Corro.

Napag-alaman na ipinasa ang naturang resolusyon matapos iendorso ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon sa City Council ang resolusyon na inaprubahan ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) na nagrerekomenda sa pagsasailalim ng state of calamity ang lungsod.

Sa LDRRMC Resolution No. 10 ay nakasaad na ang mga petsang Oktubre 29 at 30, ang bagyong si “Paeng” ay nakaapekto sa Muntinlupa na nagdulot ng suspension ng klase, negosyo, fisheries at electric power dahil sa matinding baha, matinding buhos ng ulan at malakas na hangin n amula 95 hanggang 120 km/h.

Base sa inisyal na assessment ng Muntinlupa City Department of Disaster Resilience and Management Office (DDRMO), dalawa ang namatay na residente ng lungsod nang manalasa ang bagyong “Paeng” at nagdulot ng paglisan ng mahigit 1,200 pamilya na katumbas ng 5,000 indibidwal sa mga binahang lugar sa lungsod.

Sinabi ni Biazon na walo sa siyam na barangay sa lungsod ang naapektuhan ng pagbaha habang 13 sa 25 risk areas ay nananatiling lubog sa baha nitong Oktubre 30 na nagdulot sa pagtigil ng normal na pang araw-araw na aktibidad at kabuhayan ng karamihan sa populasyon ng lungsod.

Dagdag pa ni Biazon na nakapagtala rin ng 16,871 insidente ng pagkawala ng suplay ng kuryente sa lungsod.

Sa huling report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay nakapagtala na nitong Oktubre 31 ng kabuuang 98 ang mga namatay, 69 ang mga sugatan, at 63 naman ang mga inireport na nawawala dahil sa bagyong “Paeng.” James I. Catapusan