State of calamity sa Zambo dahil sa ASF inihirit

State of calamity sa Zambo dahil sa ASF inihirit

July 23, 2022 @ 3:30 PM 3 weeks ago


ZAMBOANGA CITY- Inirekomenda ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) na isailalim ang siyudad sa state of calamity dahil sa paglaganap ng African swine fever (ASF).

Inaprubahan ng CDRRMC, sa pamumuno ni Mayor John Dalipe, ang resolusyon sa isang pagpupulong nitong Biyernes upang tugunan ang problema kung saan apektado ang anim sa pitong veterinary districts hanggang nitong Huwebes.

Isusumite ang CDRRMC resolution sa City Council para sa pag-apruba sa regular session sa darating na Martes.

Inihayag ni Dr. Mario Arriola, Office of the City Veterinarian chief, nitong Sabado na ang deklarasyon ng state of calamity ay magiging daan upang magamit ang mga pondo sa barangay upang paigtingin ang paglaban ng city government sa ASF.

Iniulat ni Arriola na apektado na ng ASF ang 733 hog raisers mula nang matukoy bilang red zone ang lugar.

Tumaas naman ang hog mortalities sa 2,775. RNT/SA