State-run mall ng Indonesia balak tularan ni PBBM sa Pinas

State-run mall ng Indonesia balak tularan ni PBBM sa Pinas

September 6, 2022 @ 4:48 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Pinag-iisipan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.  na magtayo ng state-run malls sa Pilipinas.

Layunin nito na i-promote ang micro, small and medium-sized enterprises (MSMEs) at lokal na produkto.

Sumagi sa isipan ni Pangulong Marcos  ang nasabing ideya matapos na bigyan siya ni  Indonesian President Joko Widodo  ng  tour sa isang mall na pinatatakbo ng Indonesian government.

HIndi naman binanggit ng Punong Ehekutibo ang pangalan ng nasabing mall.

“Last night, suddenly he invited us to see – to go to a mall…‘Yun pala, ‘yung mall na pinakita sa amin, gobyerno ang may-ari at saka ang produktong pinagbibili doon sa loob ng mall, lahat local, lahat MSMEs, lahat maliliit ,” ang wika ni Pangulong Marcos sa press briefing sa Fairmont Hotel saJakarta  bago pa lumipad patungong  Singapore.

Ani Pangulong Marcos, nais niyang gayahin ang state-owned mall na magko-complement sa One Town, One Product (OTOP) program  ng Pilipinas para sa MSMEs na naglalayong isulong ang inclusive local economic growth.

“Sabi ko, baka pwede natin gawin sa Pilipinas …We had a very good exchange of ideas. Sabi ko naman sa Pilipinas, ganito ginagawa namin . I was describing ‘yung OTOP, ‘yung One Town, One Product. Sabi ko, pero maliliit. So kailangan turuan,” dagdag na pahayag nito.

Ani Pangulong Marcos, welcome kay Widodo ang nasabing panukala lalo pa’t ang dalawang bansa ay maraming pagkakahalintulad sa karanasan sa  MSMEs.

“Nag-agree na naman kami. Sabi niya, oo, kailangan natin turuan ‘yung packaging, ‘yung market, kung ano ‘yung hinahanap sa merkado , how do you business plan, ‘yung mga ganung klaseng bagay ,” aniya pa rin.

Sa ulat, tinatayang may  kabuuang 957,620 business enterprises ang nago-operate sa bansa. Sa nasabing  bilang,  952,969 o 99.51% ang  MSMEs at 4,651 o 0.49% naman ang large enterprises,  ayon sa data mula sa Department of Trade and Industry.

Samantala,  masigasig naman ang mga Indonesian investors na magsimula ng kanilang negosyo  sa Pilipinas.

“All of them are very enthusiastic. Sabi nila hindi – we haven’t been able to come into the Philippines properly, because nung pinaplano nila, nag-pandemic, kung ano na nangyari ,” aniya pa rin.

Nangako rin aniya ang mga ito na palalawigin ang kanilang  “involvement”  sa  mga  pamumuhunan sa bansa.

“They all committed naman to… Many of them are already actually involved in the Philippines. So sabi nila palalakihin nila ‘yung kanilang involvement. Gusto nila mag-expand,” dagdag na pahayag nito.

Ayon sa Punong Ehekutbo, ang talakayan na may kinalaman sa public-private partnerships (PPPs) agreements ay itinuturing na “most extensive.”

“I think the most extensive subject matter was in fact, PPP. Because nandito talaga tayo para i-encourage ‘yung PPPs with the Philippine government. But not only the Philippine government. Bukod sa PPP, pinag-usapan namin ‘yung mga joint venture ng mga negosyante dito. Pupunta sila sa Pilipinas, ang negosyanteng Pilipino pupunta rito sa Indonesia para makapag-joint venture , but also with the government, the PPPs with the government,” anito.

Samantala, nagsimulang sumipa ang  “productive” inaugural state visit sa  Indonesia, araw ng Linggo sa pamamagitan ng pagbisita sa  Filipino community sa Jakarta.

Si Pangulong Marcos at ang kanyang delegasyon ay nagdaos  naman ng bilateral meeting  kasama ang mga Indonesian officials at isang roundtable discussion kasama ang  Indonesian business leaders at  investors, araw ng Lunes. Kris Jose