Status ng modernization program ng AFP pinasisilip ng solon

Status ng modernization program ng AFP pinasisilip ng solon

July 8, 2021 @ 1:14 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Kasunod ng pagbagsak ng C-130 military plane na kumitil sa buhay ng may 52 katao, hiniling sa Kamara ni Paranaque Rep. Joy Tambunting na imbestigahan ang estado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program.

Ayon kay Tambunting, isang resolusyon ang kanyang ihahain na humihiling na magkaroon ng comprehensive fact-finding investigation kaugnay sa status ng AFP Modernization Program.

Aniya, upang hindi na maulit ang kaparehong insidente ay kailangang matiyak na sumailalim sa mabusising paraan ang procurement ng mga sasakyang binibili ng pamahalaan.

Hindi umano ang pagbagsak ng C130 sa Jolo Sulu ang unang insidente ngayong taon na may kinasangkutang trahedya ang military aircraft, aniya, bumagsak kamakailan lang at nag-crash ang Black Hawk helicopter sa Capas, Tarlac, gayundin ang iba pang naitalang pagbagsak ng military chopper sa  Getafe, Bohol at sa Impasugong, Bukidnon.

Dapat umanong tutukan ang modernisasyon ng PAF fleet at kung hindi ito agad na maisasagawa ay mas marami pang buhay ng mga sundalo ang mawawala.  Gail Mendoza